Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2020 TANAW BALIK: PSC nagulantang ng ‘payroll scam’

0 84

Hindi nagpabaya ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga responsibilidad nito sa panahon ng pandemya kung saan ay ikinasurpresa nito ang pagkakadiskubre sa isa nitong empleyado na mahigit apat na taong gumagawa ng korapsiyon sa paggamit sa allowances at suweldo ng mga atleta at coach.

Ang payroll officer ng ahensiya ay inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkuha nito sa kabuuang P14.44 milyong pondo na nakalaan para sa suweldo at allowances ng miyembro ng pambansang koponan na inililipat nito sa kanyang sariling bank account.

Unang pagkakataon ng ahensiya na isa sa empleyado nito ang dinala sa NBI na nakilala na si Paul Michael Ignacio, na siyang nakatalaga para ihanda ang buwanang suweldo at allowances ng mga PSC qualified coaches at atleta.

Mismong ang NBI Special Action Unit ang umaksiyon matapos tuluyang makakuha ng ebidensiya base sa ibinigay na impormasyon ng PSC na binigyan ng ulat mismo ng bangko.

Nadiskube ng NBI na nagawa ng empleyado na irehistro ang anim na hindi kuwalipikadong pangalan sa payroll ng ahensiya para sa buwan ng Hunyo.

Related Posts

Matapos nito ay inilipat ang halagang P450,150 sa kanyang payroll account.

Ipinaliwanag ni NBI officer in charge Eric Distor na ang kaso ay nagsimula sa sulat ng Land Bank of the Philippines kay PSC Finance head Merlita Ibay ukol sa iregularidad sa payroll account ng suspek.

Una nang naganap ang paglilipat ng pondo noong Agosto 2015 na nagtulak sa NBI upang tuluyang halungkatin ang lahat ng transaksyon tungo sa pagkakasuma nito sa nakuhang kabuuang P14.44 milyon.

Napag-alaman ng NBI na ginawa ng suspek na maglagay ng iba pang unqualified coaches at atleta sa payroll kung saan inilalagay nito ang pondo sa sarili nitong bank account number.

Agad na sinampahan ng qualified theft at falsification of public documents sa ilalim ng Revised Penal Code at pati na rin sa violation of the Cybercrime Prevention Act of 2012 ang empleyado. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.