Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2021 budget, nagagamit sa Speakership

0 182

Kumbaga sa grupo-grupo ng mga asong kalye na nag-aawayan sa teritoryo, nagsimula na mga tropapips na magkahulan ang mga kongresistang kapanalig nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Pero bago natin pag-usapan ang away sa kapangyarihan ng mga kongresista, magpa-good vibes muna tayo tungkol sa kuwento ng 89-anyos na pilantropang si Charles “Chuck” Feeney, na co-founder Duty Free Shoppers, na ipinamigay sa mga kawang-gawa ang kaniyang kayamanan na aabot sa $8 bilyon.

Aba’y mapapa-sana all ka na lang kay Chuck dahil ginawa niyang ipamudmod ang kaniyang kayamanan para makatulong sa ibat’ ibang proyekto at adbokasiya bago siya mamatay. Ang itinira lang niya sa kaniyang sarili at sa kaniyang asawa–$2 milyon

Sa ulat ng Forbes, na naglalabas ng mga listahan ng mga pinakamayamang tao sa mundo [kabilang sa Pilipinas], nakaplano raw talaga kay Chuck na pakawalan ang kaniyang kayamanan bago siya matepok.

Samantalang ang ibang mayayaman, malapit nang magpantay ang mga paa eh todo kapit pa rin sa kanilang kayamanan na akala mo eh madadala nila sa libingan. Kung tutuusin, puwede naman talagang isama sa hukay ang kanilang kayamanan. Iyon nga lang, kapag nalaman ‘yan ng mga kawatan, malamang na baklasin ang nitso niya at ilabas ang kaniyang ataul, baka pati bangkay.

Sa panahon ngayon na marami ang walang trabaho at naghihirap, sana eh haplusin ng kuwento ni Chuck ang konsensiya ng mga taong milyon-milyon ang kayamanan para tumulong.

Sabi nga raw ni Chuck sa artikulo ng Forbes, “It’s a lot more fun to give while you live than give while you’re dead.” Aba’y may tama siya diba?

Habang pagbibigay ang kuwento ni Chuck, nag-aaway naman sa pondo at kapangyarihan ang nangyayari ngayon sa Kamara de Representantes sa pagitan ng mga alipores ni Cayetano at Velasco, na may kasunduan noon na maghahati sa termino bilang lider ng mga kongresista

At batay sa kasunduan, bababa na sa puwesto si Cayetano sa darating na Oktubre at papalit na si Velasco. Ang kaso, bukod sa hindi tiyak kung lalabas sa “mahiwagang banga” si Cayetano, aba’y hindi rin malaman kung October 15 o sa katapusan ba ng October dapat umalis sa trono si Cayetano.

Bukod dito, ngayon na dinidinig ang 2021 budget kung saan pinag-uusapan ang mga pondong ilalagay sa bawat distrito ng mga kongresista–partikular sa Department of Public Works and Highways. Kaya nagkakaroon ngayon ng alingasngas na mas malaki diumano ang alokasyon na ipinapasok ng kampo ni Cayetano sa kanilang mga kapanalig sa DPWH.

Bulong ng isa nating kurimaw na tagalinis ng carpet sa Kamara, naghihinala raw ang kampo ni Velasco na ginagamit ng kampo ni Cayetano ang alokasyon sa mga proyekto sa DPWH para maligawan ang mga mambabatas na huwag nang magpalit ng liderato pagdating ng Oktubre.

At kung sakaling matuloy naman ang pagpapalit ng liderato at mauupo si Velasco, aba’y minamadali raw na matapos na agad ang budget deliberation sa Kamara para hindi na magalaw ang mga pondong inilaan sa kampo nina Cayetano.

Sa isang pagdinig nga sa budget ng DPWH, inusisa ng isang mambabatas ang pondo ni Cayetano at isa nitong kapanalig na sobra daw ang laki. Kahit puwedeng sagutin ng “yes” o “no” ni Secretary Mark Villar ang tanong, hindi niya ito masagot ng diretso at sinasabing puwede naman daw makita ang mga proyekto sa kanilang listahan.

Maugong ang balitang kudeta na hindi dapat mangyayari kung susunod lamang sa kasunduan si Cayetano—nagagamit ang budget hearing sa planong magtagal sa puwesto. Ibig sabihin, baka ang kahol eh umabot na sa sakmalan. Pero ang siyempre ang lahat ng mangyayari sa liderato sa Kamara, nakasalalay sa basbas ng Malacanang. Kaya abangan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.