WebClick Tracer

NEWS

Dumoktor sa kaso ng killer cop hubaran – Bato

Kinalampag ni Senador Ronald `Bato’ Dela Rosa si Philippine National Police (PNP) Director General Debold Sinas na imbestigahan ang mga opisyal na sangkot sa pagbasura ng kasong administratibo laban sa sinibak sa serbisyong si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.

Si Nuezca ang pulis na pumatay sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Disyembre 2020.

Sabi ni Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drug, nais niyang malaman kung sino ang naglagay ng “less grave’ sa kaso ni Nuezca matapos na hindi sumailalim sa mandatory drug test at umalis sa testing area na walang permiso o clearance noong 2014.

Kinumpirma naman ni Sinas na may nagbago ng classification ng offense ni Nuesca na kinasuhan noong Abril 2014 dahil sa pagtangging sumailalim sa mandatory drug test.

“Kaya nga, puwede bang maklaro `yan? Sino nagbago sa classification ng offense na `yan? Dahil ang alam ko dun merong na-dismiss na pulis dahil diyan,” sabi ni Dela Rosa.

Duda pa ng senador, posibleng konektado sa `ninja cops’ si Nuezca kaya tumanggi ito sa drug test.

“Bakit nagbago `yan? Sino nagbago sa classification ng offense na `yan eh baka konektado `yan sa mga ninja cops,” ayon pa sa dating PNP chief.

Pinayuhan pa ni Dela Rosa si Sinas na seryosohin ang anti-drug war ng administrasyon sa pamamagita na rin ng paglinis sa hanay ng kapulisan na sangkot diumano sa iligal na kalakalan sa droga.

“Kasi positive talaga `yan, siguradong user `yan pag umiiwas. Kaya dapat talaga dismissed kaagad `yan pag mga ganyang offenses,” sabi pa ni Dela Rosa. (Dindo Matining)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID