WebClick Tracer

NEWS

18K tiwaling pulis pinarusahan

Patuloy ang ginagawang disiplina, reporma at internal cleansing ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga tiwaling miyembro sa kanilang hanay partikular ang kampanya kontra iligal na droga.

Base sa datos na ipinadala sa mga reporter ni Police Brig. General Ildebrandi Usana, tagapagsalita ng PNP, umaabot na sa halos 18K o kabuuang 17,786 bilang na mga pulis ang naparusahan at sinampahan na ng kasong administratibo sa ginagawang internal cleansing sa kanilang hanay.

Kabilang sa mga kaso ay ang pagkakasangkot sa iligal na droga, grave misconduct, serious neglect of duty, at ang pagkakasangkot sa iba’t ibang krimen at graft and corruption.

Ayon pa kay Usana, ang mga nasabing police personnel ay napatunayang nagkasala mula Hulyo 2006 hanggang Marso 24, 2021.

Sa nasabing bilang, 4,974 sa mga ito ang nasibak na sa serbisyo dahil sa iba’t ibang mga kaso habang 8,806 naman ang nasuspinde.

Nasa 1,973 naman ang na-reprimand habang 943 mga pulis ang na-demote ang mga ranggo dahil sa kanilang mga katiwalian.
Samantala umaabot na sa 617 pulis ang na-dismiss na sa kanilang tungkulin dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga, kabilang dito ang 462 nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga at 155 naman ang sangkot sa illegal drug trade mula noong 2016.

Matatandaang nauna nang ipinag-utos ni PNP chief General Debold Sinas ang pagsasagawa ng mga sorpresang drug test sa hanay ng pulisya bilang bahagi ng kanilang internal cleansing program. (Edwin Balasa)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID