WebClick Tracer

OPINION

Kailan ang panahon ng sisihan?

Parang lango sa droga at alak na maghuhurementado ngayon mga tropapips ang COVID-19 sa dami ng tinatamaan ng virus. At sa dami rin ng namamatay, kahit ang hindi adik, mapapraning.

Bakit ka nga naman hindi matatakot, kahit may mga nagsasabing hindi totoo ang COVID, aba’y madidinig mo naman sa testimonya ng mga nakaligtas sa virus at mga taong nawalan ng mahal sa buhay, na “COVID is real!”

Kung noong kasagsagan ng “war on drugs” ng administrasyon eh pagod at puyat ang mga punerarya sa dami ng kinukuha nilang “nanlaban,” ngayon naman ay ganoon pa rin ang sitwasyon sa laban sa COVID-19.

Pero mas lamang ngayon sa puyatan at pagod ang mga nakatoka sa mga crematoruim dahil ito ang kailangang gawin sa mga nasawi sa virus. Pagkuha sa labi sa ospital o sa bahay, diretso na sa pag-cremate.

Ang ibang crematoruim nga raw, inaabot na ng magdamagan ang operasyon dahil sa dami ng bangkay na kailangan nilang asikasuhin. Parang sa war on drugs noon na patong-patong ang mga bangkay sa dami nang walang umaangkin o walang pambayad ang kaanak.

Kumpara sa mga kaanak ng mga nasawi sa war on drugs na naiburol at napaglamayan pa ang mahal nila sa buhay, ang mga kaanak ng nasawi sa COVID-19, aba’y talaga namang mahirap sa kalooban.

Bukod kasi sa hindi na nila naiburol ang kaanak, hindi pa nila nasamahan sa ospital sa mga huling sandali ng buhay.
Nito ngang mga nakaraang linggo, ang daming gulatan na nangyari dahil may mga personalidad na bigla mo na lang mababalitaan na pumanaw dahil sa COVID; o kaya eh may mahal sa buhay na hindi rin nakaligtas sa virus.

Sadya nga raw kasing traydor ang COVID at ang komplikasyon na idinudulot nito sa pasyente. May mga wala namang sintomas na naramdaman pero bigla na lang manghihina at pagkaraan lang ng ilang araw ay papanaw. May iba namang pasyente na gumanda na ang lagay sa gamutan pero biglang sasama at papanaw din.

Mayroon din naman na hindi mo aakalaing hindi na makasasalba pero gumaling. Sana nga all na ganito ang sitwasyon na gumagaling ang lahat ng tinamaan at tatamaan ng COVID.

Kaya lang hindi ganoon ang sitwasyon ngayon. Kung nitong Abril 1 eh 13,303 ang kabuuang bilang ng mga nasawi, pagkaraan lang ng isang linggo ay naging 14,059 na.

Ibig sabihin, mahigit 700 na ang nasawi sa loob lang ng isang linggo. Samantalang noong kabuuang buwan ng Marso na unti-unti nang dumadami ang hawahan, halos 1,000 ang nadagdag sa mga nasawi. Aba’y may tatlong linggo pang hindi kasama ngayong Abril.

Maraming mga tao, kasama na rin ang ilang duktor, ang hindi maiwasan na punahin at magtanong kung bakit tayo umabot sa ganitong sitwasyon na punuan na ang mga ospital at maging ang mga quarantine facility dahil sa dami ng nagka-COVID.

Pero sabi ng ilang opisyal, hindi ito ang panahon ng sisihan. Sa halip, ito raw ang panahon ng pagtutulungan. Pero kailan nga ba dapat gawin ang sisihan? Baka kapag walang sisihan eh mas lalong walang kumilos para mapahupa ang hawahan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID