WebClick Tracer

METRO

Pekeng itinerary modus ng mga trafficker – BI

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na ang mga nahaharang na mga biktima ng trafficking patungo sa United Arab Emirates (UAE) ay binibigyan ng pekeng itinerary ng kanilang recruiter.

Sa ulat ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), nabunyag ang modus ng mga babaeng manggagawang Pilipino na nagpapakita ng work documents papuntang Maldives ngunit patungong UAE.

Ni-report ng mga opisyal ng TCEU mula NAIA Terminal 3 ang pagharang nila sa dalawang babaeng OFW noong Mayo 4. Ang mga biktima ay may valid visa, overseas employment certificate, work visa para sa Maldives, mga work contract, at mga ruta patungo sa Maldives.

Gayunpaman, sa pagberipika sa online system, natuklasan na ang dalawa ay nagtataglay ng mga valid tourist visa para sa UAE.

Umamin ang mga biktima na natanggap lang nila ang kanilang dokumento bago umalis, at ang isa ay inutusan ng kanilang recruiter na itago ang kanyang UAE visa. Nag-apply aniya sila bilang domestic helpers pero binigyan sila ng dokumento para magtrabaho bilang sales assistant.

Naharang naman sa Clark International Airport ang dalawa ring babae na may mga dokumento upang magtrabaho sa Maldives pero may UAE visas.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ito ay third-country recruitment kung saan ipinapadala ang OFW upang magtrabaho sa isang bansa ngunit kalaunan ay iligal na dinadala at pinagtatrabaho sa iba pang bansa. (Mina Navarro)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID