Personal na nakiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ng mga nasawing sundalo sa bumagsak na C-130 sa Sulu.
Unang binisita ng Pangulo ang mga sugatang sundalo sa Camp Navarro General Hospital at iginawad sa mga biktima ang Order of Lapu-Lapu na may ranggong Kampilan.
Sumunod na pinuntahan ang Naval Forces of Western Mindanao (NAVFORWEM) at pinangunahan ang simbolikong paggawad ng Order of Lapu-Lapu na may ranggong Kalasag para sa mga nasawing sundalo.
Sa kanyang mensahe, inihayag ng Pangulo na nalungkot siya nang ibalita ang sinapit ng mga sundalo.
“Alam mo sa totoo lang noong ibinalita sa akin, as usual I go into process of sorrow, more than anybody else o kasing pareho tayo. The life of a soldier is always valuable whether in the fields of fighting or events such as these,” sabi ng Pangulo.
Tiniyak ni Pangulong Duterte sa pamilya ng mga biktima na ibibigay ng gobyerno ang angkop na tulong pati na para sa edukasyon ng mga naulilang anak ng mga namatay na sundalo.
Para aniya sa mga nakaligtas subalit nabalian o nawalan ng kamay o paa, tiniyak ng Pangulo na mabibigyan ng prosthesis o artificial na body part ang mga ito.
Inilahad din ng Pangulo na bago matapos ang kanyang termino ay mag-iiwan siya ng malaking pera para sa mga sundalo upang masiguro ang komportableng buhay at edukasyon ng kanilang mga anak.
“Gusto ko bago ko maiwan, gusto kong maglagay ng malaking pera para sa Armed Forces of the Philippines. Iyan lang ang mabawi ko sa sundalo ko lalo na `yong mga namatay, that their families will be protected, that their families will be comfortable at `yong daily living and education of the children will be assured,” dagdag ng Pangulo.
Magagawa aniya ito sa pamamagitan ng pagpaparenta sa bahagi ng Fort Bonifacio at ang upa ang siyang gagamitin para sa mga sundalo. (Aileen Taliping/Prince Golez)