WebClick Tracer

METRO

Shabu delivery sa quarantine

Dalawang rider mula sa isang kilalang delivery company ang sinita ng Philippine Coast Guard (PCG) kasunod ng tangkang pagdedeliber ng hinihinalang iligal na droga sa dalawang returning overseas Filipino (ROF) na mula United Arab Emirates (UAE) at kasalukuyang naka-quarantine sa isolation hotel sa Bonifacio Global City, Taguig noong Huwebes.

Sa report ng PCG Task Group Bantay Bayanihan, hapon nang dumating ang unang rider na may dalang package.

Ayon sa declaration form mula sa nagpadala, damit at cellphone ang laman nito. Ngunit nang dumaan sa pag-iinspeksiyon ng mga tauhan ng PCG at Bureau of Quarantine (BOQ), lumabas ang isang plastik na may lamang hinihinalang methamphetamine na nakatago sa likod ng cellphone cover.

Dahil dito ay inaresto ang rider at dinala ang package sa Taguig Police Station. Pinakawalan rin ang driver dahil wala naman itong kinalaman sa laman ng package.

Pagkatapos naman ng isa’t kalahating oras, may dumating na naman na rider sa kaparehong isolation hotel.

Sinabi naman nito na pinsan siya ng ROF at magdadala ng damit. Nang inspeksyunin, tumambad ang plastik na may lamang ‘white crystalline substance’ na hinihinalang iligal na droga.

Inaresto ang lalaki at dinala sa police station para sumailalim sa imbestigasyon.

Agad namang kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na droga ang natagpuang substance, at nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga nagpadala ng package.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang pinsan na naghatid. (Kiko Cueto)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID