WebClick Tracer

Monday, September 26, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

Barangay kagawad inasinta sa ulo

Todas ang isang barangay kagawad matapos asintahin sa ulo ng kanyang kabarangay habang nagsasako ng kopra, Sabado ng tanghali, sa bayan ng San Andres, Tablas Island sa Romblon.

Dead on the spot ang biktimang nakilalang si Jolly Dela Cruz Modesto, 38-anyos, kagawad ng Brgy. Victoria ng nabatid na bayan.

Samantala, naaresto naman ang suspek na si Manuel Mangao, 40, residente rin ng nabatid na barangay, na ngayon ay nakapiit na sa himpilan ng pulisya.

Sa ulat ng San Andres Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente kamakalawa ng tanghali habang nagko-copra ang biktima kasama ang isa pang lalaki sa Sitio Binoog, Brgy. Victoria ng bayang ito.

Isang putok umano ang biglang narinig at matapos nito ay duguang tumumba ang biktima at may tama na sa kanyang ulo.

Samantala, positibo namang itinuro ng kasamang magkopra ng kagawad na si Mangao ang siyang bumaril sa biktima.

Napag-alaman din na nauna nang pinagbantaan ng suspek ang biktima na papatayin matapos na magkaroon ng alitan hinggil sa hindi pa nabatid na bagay. (Edwin Balasa)