WebClick Tracer

Monday, September 26, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

DOF uutang uli ng P300B sa BSP

Ipinahayag ng Department of Finance (DOF) na magbabayad ito ng P540 bilyon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ngayong linggo ngunit uutang muli ng P300 bilyon para may magagamit itong panggastos.

Sabi ng DOF, sa Enero 12, 2022 pa ang due date nito ngunit aagahan nila ang bayad para ipakita sa merkado na handa na at lumalakas na ang ekonomiya ng bansa at kaya na nitong unti-unting bayaran ang utang at hindi lang parating nag-ro-roll over.

Ayon sa kagawaran, sumulat na si Finance Secretary Carlos Dominguez III kay BSP governor Benjamin Diokno para sabihing P300 bilyon na lamang ang uutangin nito ulit.

Unang inutangan ng DOF ang BSP noong Marso 2020 at P300 bilyon lamang ang kinuha. Binayaran ito noong Setyembre 2020 ngunit nag-advance naman ang DOF ng P540 bilyon noong Oktubre 2020 na binayaran naman ng buo noong Disyembre 2020.

Inutang muli ang P540 bilyon noong Enero 2021 at pinalawig hanggang Abril 2021. Ito naman ay binayaran ng buo noong Hulyo 2021 ngunit muli itong inutangan ng P540 bilyon sa buwan ding iyon. Sa Oktubre 2021 ang due date ng P540 bilyon ngunit pinalawig ito hanggang Enero 2022.

Sabi ng DOF, inirekomenda ni National Treasurer Rosalia de Leon na bayaran ng maaga ang utang dahil malaki ang nakuhang pondo ng Bureau of the Treasury nang nangutang ito ng tingi sa mga ordinaryong mamamayan sa tinatawag nitong Retail Treasury Bond offering.

Tulad ng mga unang inutang ng DOF sa BSP, wala ulit interes ang uutangin nitong P300 bilyon at may puwang para palawigin muli ng tatlong buwan. (Eileen Mencias)