Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2022 presidentiable bet pakilala na!

0 138

Pa-tweetums pa ang mga personalidad na pinaniniwalaang tatakbo para sa pinakamataas na posisyon sa bansa – ang pagkapangulo. Feeling nila kasi ay maaakusahan silang pinupolitika ang COVID-19 dahil nasa gitna pa tayo ng pandemya.

Gayunpaman, kailangang ngayon pa lamang ay ihayag na ng mga politikong ito ang kanilang intensyon: tatakbo ba silang pangulo? Patapos na ang buwan ng Hunyo at sa darating na unang linggo ng Oktubre ay panahon na ng pagsusumite ng certificate of candidacy.

Itinakda na ng Commission on Elections (Comelec) na ang mga tatakbo sa lahat ng elective position para sa May 9, 2022 National and Local Elections ay kailangan nang magpasok ng certificate of candidacy mula Oktubre 1 hanggang Oktubre 8. Kaya naman dapat ngayon pa lamang ay nagkakalinawan na kung sinu-sino nga ba ang dapat nating tutukan.

Sa mga pangalang matunog na tatakbo ay kasama sina Vice President Leni Robredo, Davao City Mayor Sarah Duterte, Manila Mayor Isko Moreno, Senador Manny Pacquiao, at dating Senador Antonio Trillanes. Andyan din si Senate President Tito Sotto na nagsabing puwede siyang tumakbong bise presidente kung tatakbong presidente si Senador Ping Lacson.

Sa aming palagay, dapat nang linawin ng mga personalidad na ito kung ano ang plano nila sa 2022 election. Mas mabuti na habang maaga ay ilahad nila sa publiko ang kanilang track record para hindi na magkagulatan pag umarya na ang kampanya. O baka naman natatakot silang maagang pumosisyon dahil maaga rin silang pagtutulungang gibain ng iba’t ibang kampo?

Sa ngayon kasi sa halip na sabihin kung ano ang gagawin nila para sa Pilipinas, inuuna nila ang iringan at bangayan. Inuuna talaga ang paninira ng personaheng inaakala nilang malakas na kalaban. Tinatangka nilang sirain ang kalaban para makumbinsi nila ang publiko na hindi ito karapat-dapat sa mas mataas na puwesto. Ang masama lang niyan, habang naninira sila ay hindi naman sila kumikilos nang ayos. Puro lang sila kuda, kulang naman sa gawa.

Buti pa nga itong si dating Speaker Alan Peter Cayetano dahil hindi masyadong nakikipag-giyerahan sa iba’t ibang potential candidates sa halip mas ipinopokus ng mambabatas ang kanyang atensyon sa aksyon. Sa ngayon ay libu-libo na ang mga benepisyaryo na napagkalooban ng Sampung Libong Pag-asa o 10K ayuda ng grupo ni Cayetano.

Sa kabila ng pagmamatigas ng liderato ng Kamara na P1K ayuda lamang ang ibigay sa naghihikahos na taumbayan, determinado si Cayetano na bigyan ng pag-asa, bigyan ng bagong buhay ang taumbayan. Ang P10K na sinisikap nitong maipaabot sa mga kababayan natin ay nagagamit nang puhunan ng mga nabigyan. Hindi limos ang kanilang natanggap kundi puhunan para magkaroon ng maliit na kumikitang kabuhayan na puwede nilang mapalago depende sa kanilang pagsisikap sa buhay.

Wala ngang epekto kay Cayetano ang panggigiba ng kampo ng ibang politiko dahil mas importante sa kanya na makatulong. Kesehodang inaakusahan siyang namumulitika basta tuloy-tuloy ang ginagawa niyang pagtulong. Sanaol ganito ang paninindigan.

Kaya naman hinihikayat namin ang mga kakandidato sa 2022 presidential elections na maghubad na ng maskara. Magpakita kayo ng tapang at aminin kung tatakbo ba kayo o nangugugulo lamang. Habang maaga ay ipakita nyo na kung ano ang gagawin nyo kapag ibinoto namin kayo sa darating na Mayo.

Maging parehas kayo sa laban para maaga pang makapagdesisyon ang taumbayan kung sino nga ba ang tunay na karapat-dapat iluklok sa pinakamataas na puwesto. Hindi pa tapos ang pandemya kaya kailangan natin ng lider na tunay na magmamalasakit at iaangat tayo sa kahirapang idinulot ng COVID-19. Ngayon pa lang magpakilala na kayo!

Leave A Reply

Your email address will not be published.