WebClick Tracer

METRO

Pakistani tiklo, P30M pekeng Biogesic nasabat

Isang Pakistani national ang pinosasan habang aabot sa may P30 milyong halaga ng pekeng paracetamol na Biogesic at iba pang gamot ang nasamsam ng awtoridad ngayong buwan sa dalawang bodega sa Parañaque City.

Kabilang pa sa mga nasamsam noong Enero 5 ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency, National Intelligence Coordinating Agency, Intelligence Service Armed Forces of the Philippines, at Philippine Coast Guard na mga pekeng gamot ang Neozep, Bioflu, Immunpro, Ivermectin, Phenokinon F Injection, Medicol, Planax, Alaxan FR, at MX3.

Ayon sa sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration at Unilab Pharmaceuticals, gumagawa ng paracetamol brand na Biogesic, ang mga naturang gamot ay peke.

Ang mga naturang gamot ay nakalagay sa karton na may tags ng Chinese characters at nakita sa dalawang bodega sa 7434B at 7434C Highland Street, Marcelo Green Village, at 27 Pearl Street, Severina Subdivision, Km 18, Brgy. Marcelo, kapwa sa Parañaque City.

Naaresto rin sa operasyon ang suspek na si Adel Rajput, isang Pakistani national, 31-anyos, at residente ng Caloocan City.

Dinala ang suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office para sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso, at nakatakda ring kanselahin ng Bureau of Immigration ang kanyang visa.

Samantala, dinala sa BOC ang mga gamot at patuloy ang imbentaryo.

Magugunita na noong Nobyembre 24, 2021 ay nakasabat din ang awtoridad ng mga pekeng gamot sa isang bodega sa Pasig City gaya ng Alaxan, Tuseran Forte, Propan at Diatabs na nagkakahalaga ng P50 milyon. (Juliet de Loza-Cudia)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on