Sugatan ang apat katao matapos araruhin ng isang rumaragasang 6-wheeler truck ang isang bahay at isang furniture shop sa Tagkawayan, Quezon, Lunes ng gabi.

Sa report ng Tagkawayan Police, nakilala ang suspek na si Darius Sibulo, driver ng 6-wheeler truck na kung saan sinabi niyang iniwasan niya ang bus sa may pakurbang bahagi ng Quirino Highway sa Brgy. Santa Cecilia subalit nawalan siya ng kontrol na naging dahilan para makabig niya ang manibela at dumiretso sa bahay at katabing furniture shop.

Naganap ang aksidente bandang alas-10:00 kamakalawa ng gabi kung saan galing sa Pili, Camarines Sur ang truck at patungo sa Catanauan, Quezon.

Wasak ang isang parte ng furniture shop at halos sira rin ang bahay kung saan natutulog ang isang pamilya, kabilang ang dalawang bata.

Ayon sa report, nadaganan ng gumuhong pader ang 1-taong gulang na bata at himalang galos lang ang tinamo nito habang nagtamo ng mga sugat at bone fracture ang ina, at sugatan din ang ama na agad dinala sa pagamutan.

Sugatan din ang pahinante na si Carlo Estrada, na naipit sa unahan ng truck. (Vick Aquino)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *