WebClick Tracer

METRO

10 sabungero naglaho sa Laguna

Nadagdagan pa ang kaso ng mga nawawalang sabungero matapos magtungo sa isang sabungan sa Sta. Cruz, Laguna.

Kinilala ang mga nawawala na sina Ferdinand Dizon, Mark Paul Fernandine, Manny Magbanua at Melbert John Santos, kapwa mga residente ng Tanay, Rizal at sama-samang nagtungo sa sabungan.

Nauna rito ay may iniulat na 6 pang sabungero ang nawawala sa nasabi ring lugar.

Si Magbanua, 43-anyos, handler ng panabong na manok, ay huli pang nakita noong Enero 12 o sa mismong kaarawan niya, ayon sa kanyang misis.

Ayaw na sanang patuluyin si Magbanua ng kanyang asawa ngunit tumuloy pa rin ito patungong Laguna.

Samantala, kasama rin sa nawala si Dizon, 39, nagbibitaw ng manok, at noong Enero 13 ay nakita pa sa livestream ng online sabong matapos niyang mag-itsa ng manok.

Kuwento naman ng misis ni Dizon, matapos manalo ang binitaw nitong manok ay may tatlo pa sanang panlaban ang grupo ng kanyang mister.

Ngunit napansin niya sa live na hindi na si Dizon ang nagbitaw ng manok sa mga sumunod na laban.

Kasama rin sa mga hinahanap pa hanggang ngayon ay sina Fernandine, tagabitbit ng manok, at Santos, na driver naman ng inarkilang van ng grupo.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na isang nagngangalang Julius ang financer at may-ari ng cock farm na pinanggalingan ng apat na nawawala.

Enero 14 ay nakita pa ang van na sinakyan ng apat na sabungero palabas ng Laguna, ngunit hindi na sila nakabalik sa kani-kanilang pamilya.

Maging ang van na inarkila ay nabatid na hindi pa rin mahanap ng mga awtoridad sa ngayon.

Hinala ng pulisya, posibleng motibo ang pagbebenta ng laro o game-fixing sa biglaang paglaho ng apat na lalaki.

“‘Yon ang iniimbestigahan natin, kasi may sabi-sabi na ‘yong manok [ay] may damage na, pinutulan ng ugat, parang game-fixing din,” ayon kay Santa Cruz Police chief Lt. Col. Paterno Domondon sa panayam ng ‘Frontline Pilipinas’.

Samantala, determinado ang pamilya ng mga nawala na kasuhan ang may-ari ng cock farm, na hindi rin umano mahagilap hanggang ngayon. (Ray Mark Patriarca)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on