WebClick Tracer

OPINION

Kalinga sa mga returning OFW handog ng Maynila

Ako po ay nananawagan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at Filipino returnees na nagpopositibo sa COVID-19 sa kanilang pagbabalik sa bans ana samantalahin sana ang libreng serbisyo sa Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH) sa Luneta, sa halip na mamahaling mga hotel at pasilidad.

Sa nasabing ospital na pinamumunuan ng napakasipag na director Dr. Arlene Dominguez, sila ay mabibigyan ng libreng gamutan at tiyak pang maaalagaan ng mga medical professionals.

Available para sa ating mga mahal na nagsisiuwiang kababayan ang aming field hospital anumang oras na kailanganin nila. Ang tanging dapat na gawin nila ay sabihin sa Bureau of Quarantine (BOQ) na huwag na silang dalhin pa sa anumang hotel opasilidad kung saan kailangan pa nilang gumastos nang malaki mula sa salaping kanilan pinaghirapan.

Sa halip, maari silang mag-request na sila ay idiretso na lamang sa nasabing COVID field hospital.

Ako ay pinalaki sa isang pamilya na nagbibigay halaga sa utang na loob at paniniwala na kung ano ang ating itinamin ay siya rin nating aanihin.

Kaya naman ito ang aming simpleng paraan upang maibalik ang pabor o makaganti ng utang na loob matapos na ang di mabilang na immigrants at OFWs ay magpadala ng cash donations sa pamahalaang-lungosd sa kasagsagan ng pandemya nuong 2020.

Mula sa kaibuturan ng aming puso, ako at si Vice Mayor Honey Lacuna ay patuloy na nagpapasalamat sa ating mga kababayan nag-donate at patulooy na nagdo-donate ng anumang halaga bilang suporta sa ating pamumuno.

Tinitiyak ko naman na bawat sentimong napupunta sa kaban ng lungsod ay ginagastos nang mainam at sa kapakinabangan ng nakararami.

Habang kami ay walang magagawa upang ihinto ang impeksyon, maari naman tayong kumilos upang makapagligtas ng buhay.

Kami sa pamahalaang Maynila ay ginagawa ang lahat ng maaring gawin upang maiwasan ang pagkalat ng COVID -19 at ang pagkawala ng buhay.

Ang tangi naming hinihingi bilang kapalit sa publiko ay ang patuloy nilang gawin ang basic health protocols at magpabakuna, upang mabigyang proteksyon ang kanilang sarili, mga mahal sa buhay, mga komunidad na kanilang kinabibilangan at ang bansa.

Tinitiyak ko din na, hindi naman sa pagbubuhat ng bangko, ang sinumang magtutungo sa field hospital ay magiging komportable at ang mga pasyente doon ay walang kinakailangang gastusin hanggang sa sila ay lubusan nang gumaling.

Para sa mga umuuwing Pilipino na kukunin ang aming alok, hayaan ninyong tiyakin ko na lahat po kayo ay ‘welcome’ sa Maynila at kami po ay masayang kayo ay mapaglingkuran.

Iniaalay namin ang libreng accommodation sa Manila COVID-19 Field Hospital kung saan lahat ng serbisyo ay libre at kung saan komportable dahil fully-airconditioned, may 344-bed capacity, may mga maalagang doktor at nurses, oxygen, mga gamot, wifi at araw-araw na pagkain, tatlong beses kada araw.

Mula nang kami ay maghayag ng naturang alok, marami nang natatanggap ang pamahalaang-lungsod na request mula sa mga OFWs at Filipino returnees para nga sa libreng accommodation, dahil ayaw nila umano na mapunta lamang sa bayad ng hotel ang kanilang natipong pera.

Mula pa noong December 31 ng nakalipas na taon, mahigit sa 100 OFWs at Filipino returnees na ang nabigyang-serbisyo sa nasabing ospital.

Maipagmamalaki natin na ang mga pasilidad ng ating nasabing ospital ay hindi napag-iiwanan at maaring ihambing sa mga pribadong ospital at sa awa ng Diyos ay gumaling lahat ng naipasok doon.

Iniaalay namin ang mga serbisyong ito sa paniniwalang walang kinikilalang boundary ang COVID at wala namang mawawala kung tayo ay magtutulungan sa isa’t-isa.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on