WebClick Tracer

Sunday, September 25, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Mga bagets awat muna sa lakwatsa

Nasa Alert Level 2 na ang Metro Manila kaya aasahang magiging maluwag na ang paggalaw ng mga tao at paglabas sa mga pampublikong lugar.

Kasabay ng pagsisimula ng Alert Level 2 sa unang araw ng Pebrero ang mga tanong kung maaari na bang makalabas din ang mga bata at makapasyal sa mga parke at malls.

Ang sagot ng mga opisyal sa gobyerno, oo puwede na pero maagap na nagpaalala ang gobyerno na kailangan pa rin ang doble o kaya ay tripleng pag-iingat dahil naririyan pa rin ang banta ng COVID-19.

Dapat ay matuto na ng leksiyon sa nangyari noong December 2021 kung saan nagpiyesta ang mga tao sa pamamasyal, shopping, pagdalo sa mga party kahit pa walang tigil sa pakiusap ang mga opisyal ng gobyerno na hanggat maaari ay iwasan muna ang maramihang pagtitipon o matataong lugar.

Pagtuntong ng Enero ay naramdaman at nakita kaagad ang epekto ng pagiging pasaway at tigas ng ulo dahil sumirit ng husto ang mga tinamaan ng COVID-19.

Pero dahil holiday nitong February 1, Chinese New Year, dumagsa na naman ang mga tao at mga bata sa mga mall, lalo na sa isang malaking shopping mall sa EDSA kaya napapikit na lamang ang isang opisyal matapos makita ang sitwasyon, sabay usal na sana ay hindi na naman sumirit ang mga kaso ng COVID-19.
Muling nanawagan ang Malacañang, pati na ang Department of Health (DOH) sa mga magulang na maghinay-hinay sa pagkaray sa kanilang mga anak para lumabas at mamasyal.

Hindi pa po normal ang sitwasyon, may COVID pandemic pa rin kahit nasa Alert Level 2 na ang Metro Manila kaya magpigil-pigil muna sa panggigigil na lumabas at makapaglibang o magrelax o ano pa pang gusto ninyong gawin sa labas.

Iyon naman pong mga nanay na iilang linggo o iilang buwan pa lamang nakapanganak, huwag munang magpilit na ipasyal ang anak dahil hindi naman alam ng sanggol kung ano ang ibig sabihin ng mall, at baka doon pa makasagap ng COVID-19 dahil lamang sa kagustuhang makalabas.

Isipin po ang kaligtasan at kalusugan ng bawat buhay dahil hindi po biro ang peligro ng COVID – 19 lalo na kung ang kinapitan nito ay mahina ang resistensiya ng katawan o kaya ay hindi pa natuturukan ng COVID vaccine.

Hindi naman nagpapabaya ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapaala sa mga tao na gawing bahagi na ng buhay sa araw-araw ang pag-iingat sa pamamagitan ng paggamit ng face mask, malimit na paghuhugas ng kamay at pagsunod sa social distancing.

Iwasan na po natin ang paulit-ulit at tila sirang plakang pagpapaalala sa mga dapat gawin para makaiwas sa COVID-19. Dapat matuto na tayo sa ating naranasang sakripisyo at kunsimisyon sa halos dalawang taong pakikipaglaban sa pandemya.

Alalahanin po natin mga mommies, mga nanay, inang at kung ano pang tawag sa inyo, nasa inyo ang kaligtasan ng inyong mga anak kaya mag-isip mabuti para hindi magsisi sa bandang huli. Kayo din, baka hindi ninyo makitang lumaki ang inyong mga anak at matupad ang kanilang mga pangarap kapag sila ay pinagpiyestahan ng COVID-19.