WebClick Tracer

ENTERTAINMENT

Male personality bayaran ng politiko

Dalawa-singko ang pagbabatuhan ngayon ng mga upak at pintas sa pagitan ng mga personalidad na ang dahilan ay politika, Mas matatapang ang kanilang mga tagasuporta.

Totoo, kayang wasakin ng mundo ng politika kahit ang mga relasyong may matitibay nang pundasyon, ang mga pagkakaibigang dekada na ang binibilang, ganu’n katindi ang politika.

May kampong galit na galit sa isang kilalang male personality na hindi rin kagandahan ang tabas ng dila. Upak lang siya nang upak sa mga sumusuporta sa ayaw niyang kandidato sa panguluhan.

Ayon sa marami ay nakalimot na yata sa nakaraan ang male personality. Napakaaga raw niyang inapuntahan ng amnesia. Hindi rin niya pinag-aaralan ang kasaysayan.

Kuwento ng aming source, “Salita siya nang salita na sa kanya naman tumatama! Bayaran daw kasi ang mga sumusuporta sa isang kandidato sa pagkapangulo.

“Pera-pera lang daw ang dahilan. Halos isumpa na niya ang mga sumusuporta sa isinusuka niyang kandidato. Teka lang naman muna, hello! ‘Yon ba ang ikinagagalit niya?

“Puwede kaya siyang lumingon naman sandali? Galit siya sa mga bayaran ng mga pulitiko? Naku, siya na rin lang ang nag-umpisa, pagbigyan natin ang kaangasan ng male personality na ito!” napakadiing paghahamon ng aming impormante.

Ang pinakamainit na usap-usapan ilang eleksiyon na ang nakararaan ay ang male personality na ito at ang kanyang girlfriend. Pumutok kasi ang kuwento na para makuha ng kandidato ang kanilang suporta ay kinailangan silang bayaran nang kung tig-iilanpung milyong piso.

“Silang dalawa ang pumutok nu’n na binayaran! Mismong sa kuwadra nu’ng politiko nanggaling ang halagang ibinayad sa kanila para mangampanya sa kumakandidatong presidente!

“Puwede ba! Puwede silang magsinungaling sa ibang tao, pero hindi nila kakayaning pagsinungalingan ang mga sarili nila!

“Tantanan nga tayo ng hitod na male personality na ‘yun na kung makabiro at makapanumbat, e, parang ang linis-linis niya naman!

“Pa-righteous! Magkano? How Much? Magkano ba talaga ang kinikita n’yo nu’n ng girlfriend mo?” naiinis na pagtatapos ng aming source.

Toni winalanghiya sa eroplano

Nasa tamang huwisyo si Toni Gonzaga nang magdesisyon siyang i-unfollow na ang maraming pangalan sa kanyang Instagram account. Ang pinakahuling bilang ay mahigit na dalawampu na lang.

Sabi nga, less is more, aanhin mo naman ang marami kung puro sama at sakit ng kalooban lang naman ang ibinibigay sa iyo? Bakit mo ihahain ang sarili mo sa balon ng mga ahas para tuklawin ka?

Mas normal na ang iilan lang ang bilang pero alam mong sa harapan at talikuran ay sa iyo at hindi ka tinatraydor.

‘Yong mga taong alam mo na kapag nakipagkomunikasyon sa iyo ay totoong-totoo at hindi pakunwari at paimbabaw lang.

‘Yong hindi man kayo nagkikita nang madalas ay alam mong inuunawa ka at nirerespeto ang mga ginagawa mong desisyon at naniniwala na tayo ay nabubuhay sa demokrasya at ang pinakaesensiya nu’n at ang kalayaan nating piliin at sundin ang sinasabi ng ating puso.

Kung nakamamatay lang ang mga bira kay Toni Gonzaga ay ilang araw na siyang pinagbuburulan. Napakatitindi ng paninira sa kanya. Mabuti na lang at Kristiyano 8ang pamilya ni Toni.

Hindi tinatapatan ng paghihiganti ang mga taong nangwawasak sa kanya kundi ipinagdarasal na makita ng mga ito ang katwiran at karapatan ng kanilang kapwa.

Napakasama ng ugali ng basher na ang sabi, “Lord, sana po, mag-crash ‘yong sinasakyang eroplano ni Toni Gonzaga. Salamat po, Amen.”

Ginamit pa ng basher ang pangalan ng Diyos. Napakawalanghiya. Hindi tayo nagnanais ng anumang masamang-maaaring mangyari sa ating kapwa kahit gaano pa tayo ka galit sa taong pinatutungkulan natin.

May retribusyon. May karma. Sa nagsasalita bumabalik ang ganu’ng kawalanghiyaan. Walang takot gabaan ang basher na ‘yon.