WebClick Tracer

Monday, September 26, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

Lacson sinungkit puso ng mga taga-Romblon

Mainit na pagsalubong ang ibinigay ng mga taga-Romblon nang bumisita sa kanilang probinsya si Senador Panfilo `Ping’ Lacson na tumatakbo sa pagka-pangulo ngayong halalan.

Kasama ni Lacson ang kanyang senatorial bet na si dating Agriculture secretary Manny Piñol nang mag-ikot sa Romblon subalit bago ito ay nag-courtesy call muna sila kina Governor Jose ‘Otik’ Riano at Mayor Gerard ‘Gard’ Montojo.

“Dito sa Romblon, wine-welcome po namin kahit sinong kandidato, kalaban man o kakampi dahil demokrasya tayo. Nirerespeto natin ang isa’t isa kung kanino sila at kung sino ang pinaninindigan nating kandidato… ‘Yan po ang bayan ng Romblon,” pahayag ni Montojo.

“Dito sa Romblon, matitigas daw ang mga marmol dito, pero ang mga puso ng mga Romblomanon ay malalambot para sa mga panauhing katulad ninyo,” sabi pa ng alkalde ng Romblon na kilala bilang ‘Marble Capital of the Philippines.’

Sa kanilang town hall meeting, ipinakilala ni Lacson ang pangunahin nilang programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) na umani ng palakpakan mula sa mga dumalong residente at lokal na opisyal.

“Wala na kaming dapat i-prove pa. `Yong track record namin can speak for itself, ano, at ipagpapatuloy namin `yong serbisyo kung bibigyan kami ng pagkakataon na makapaglingkod sa susunod na anim na taon. Maaasahan po ninyo,” sabi ni Lacson sa mga Romblomanon sa Odiongan.

Pinayuhan naman ni Piñol ang mga botante na huwag magpadala sa sayawan at kantahan na pang-aliw ng ibang mga kandidato sa kanilang campaign rally. Aniya, mas epektibo ang istilo ni Lacson na pakikipagdayalogo para malaman ang mga hinaing ng taumbayan.