WebClick Tracer

Monday, September 26, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
LIFESTYLE

Makabuluhang pagbisita sa Odiongan, Romblon

Naging mas makabuluhan para sa mga taga-Odiongan, Romblon ang Abril 4 dahil sa ngayong taon ay naipagdiwang nila nang masaya sa wakas ang kanilang fiesta na pumapatak sa ika-175th foundation day ng bayan sa ilalim ng kanilang patron saint San Vicente Ferrer, aba’y nadalaw din sila ng mga bisitang halos ay hindi pa nila nakikita sa malapitan at personal.

Abril a-kuwatro din kasi nataon ang pagdalaw ni presidential candidate Ping Lacson sa mga Odionganon, kung saan ay kasama niya rin ang kanyang ka-tandem na si Tito Sotto kaya nagsalubong ang saya ng mga tagaroon at ang magpartner.

Gaya ng kanyang nakagawian sa mga pagpupulong at mga ibang aktibidad personal man o opisyal, maagang dumating si Ping sa landing pad sa Odiongan National High School via direct flight ng isang dambuhalang helicopter mula sa Maynila habang bahagya namang naantala ang pagdating ni Sotto dahil nagkaproblema ang gagamitin niyang sasakyang panghimpapawid.

Mula sa landing pad ay dumaan na muna sa palengke si Ping para makita ang galaw ng komersiyo sa bayan ng Odiongan bago mabagal na umusad ang kanilang sasakyan patungo sa Municipal Tourism Office (MTO) kung saan ay naghihintay ang halos lahat ng mga kapitan ng barangay.

Personal na sinalubong si Ping nina Mayor Trina Firmalo-Fabic at Vice Mayor Diven Dimaala na pareho ring dumalo at nakinig sa BRAVE advocacy na inilahad ng presidential candidate sa mga audience sa loob mismo ng tanggapan ng MTO habang sila ay sama-samang nag-aalmusal pati na rin ang ibang konsehal ng bayan.

Hindi rin nagpahuli si Vice Governor Felix “Dongdong” Ylagan at dumating din agad sa lugar upang makipagtalamitan sa mga nabanggit na bisita.

Maya’t-maya ay dumating na rin si Tito Sotto at sabay na silang lumabas sa naturang tanggapan upang bumisita sa OTOP/agri trade fair sa Children’s Paradise at dito ay lalong nakita nila ang init ng pagtanggap ng mga Odionganon.

Napuno ng tao ang Children’s Paradise at bagama’t maiksi lang ang naging pagsasalita nilang dalawa kasama ang isa sa mga senatorial candidate na aking iboboto na si Manny Pinol ay malinaw at klaro nilang naihatid ang mensahe ng pagbati sa pagdiriwang ng fiesta ng Odiongan.

Halos isang oras lamang nanatili sa Odiongan ang grupo ni Ping pero ang kanilang pagbisita doon ay umukit ng panibagong bahagi sa kasaysayan ng naturang bayan.

Hindi rin daw nagpatalo ang mga taga-Romblon, Romblon dahil mainit ding tinanggap doon ang magkatandem at gaya ng nangyari sa Odiongan, nailahad din nila nang maayos ang kanilang platapormang tunay na solusyon sa mga problema ng bansa sa kasalukuyan.

Uy medyo napasarap na pala ako sa pagsusulat, pero bago ko ito tapusin ay hayaan niyong pasalamatan ko muna ulit sina Mayora Trina Firmalo-Fabic, Vice Mayor Diven Dimaala, Vice Governor Felix “Dongdong” Ylagan, Councilor Juvy Faderogaya, ang naging punong abala na si MTO Jude Fesarit-Gabat, PNP-Odiongan, si Mr. Richel Fos na kasama sa mga tumulong para maging maayos ang takbo ng convoy galing sa landing pad at pabalik, dating Anahao councilor Emerson Forteza na walang sawang umalalay sa naturang aktibidad, dating MPDO Rosebi Dalisay-Agaloos and of course sa mga taga Romblon News Network at Radyo Natin na tumutok at naglive stream sa mga pangyayari.

Sa muli po, maraming salamat Odiongan! Maraming salamat Romblon!