WebClick Tracer

Monday, September 26, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

P500K kotong buking sa imported gulay

Ibinunyag ng kinatawan ng isang consumer cooperative na mayroong mga empleyado umano ng Bureau of Plant Industry (BPI) na humihingi ng P500,000 bilang “enrollment” para makapasok ang inangkat na gulay.

Sa pagdinig ng House committee on ways and means kahapon, tinanong ni Magsasaka party-list Rep. Argel Joseph Cabatbat ang Cambridge Consumers Cooperative representative na si Ma. Wilma Ocampo kaugnay ng mga gulay na ninais nitong ipasok sa bansa.

Ayon kay Ocampo, dumating noong Enero 2 ang shipment ng Cambridge. Itinakda umano ang inspeksyon ng kargamento noong Enero 8.

Alas-8 ng umaga ay inihanda na umano nila ito pero dumating ang inspektor na si Leo Pangilinan dakong ala-1:30 ng hapon.

“Pagbukas po sir, nakita po ng mga taga-Customs na ano siya talaga sir na gulay tumutulo pa po sir `yong mga yelo tapos meron pong nakalagay sa karton na -18 (Celsius). Ang sabi po ni sir Leo ng BPI Quarantine hindi daw po `yon frozen, pinicturan po nila tapos iniwan na niya po,” kuwento ni Ocampo.

Nakatanggap umano si Ocampo ng tawag mula sa isang Edwin Morallo at sinabihan “na kailangan daw po akong makiusap sa kanila kasi ang pinarating daw po namin hindi daw po frozen kundi fresh vegetables”.

“Pinapunta po nila ako sa office makipag-usap daw ako kay mam Jesusa Ascutia kung papayag. Nagmakaawa po ako sir kasi `yong storage (cost) namin aabot na po ng milyon `yon pati sa shipping line namin sir. Hindi po talaga sir sila pumayag sabi makipag-usap nalang daw po ako sa Monday kay Collector Vargas,” sabi ni Ocampo.

Si Ascutia ang officer-in-charge area manager ng Plant Quarantine Service sa South Harbor, Port of Manila.

Pagpapatuloy ni Ocampo noong Enero 10 ay nakausap niya sina Chandler Jalorina, special collecting officer-BPI; Edwin Morallo, plant quarantine officer-BPI; at Yusof Guro, plant quarantine inspector-BPI.

“Dinala po nila ako sa may kubo, sabi po nila mali daw po `yong ginawa ko, dapat daw nakipag-usap po ako sa kanila kasi daw po tumitimbre daw po dun bago magparating. Meron daw po sir enrollment,” dagdag pa ni Ocampo.

Nagtanong si Cabatbat kung “Anong enrollment, ano ba `yan school ba `yan?”

Sagot ni Ocampo “hindi ko po sir alam kung ano `yong sinasabi niyang enrollment pero ang enrollment daw po `pag regular containers is P500,000. Sabi ko po sir wala po kaming ganung pera.”

Bumaba umano ang hinihingi sa P130,000 at ng walang maibigay sinabihan umano si Ocampo na “mabubulok `yong gulay mo.”

Umapela umano ang Cambridge kay BPI Director George Culaste at matapos na maipakita ang kanilang mga dokumento ay ipinag-utos nito ang paglabas sa shipment. Pero hindi pa rin umano pinalabas ang kargamento.

DAR chief dinawit

“Dahil daw po sir hindi daw po `yon `yong boss nila. Ang boss daw po nila si Sec. (William) Dar,” dagdag pa ni Ocampo. “Nagkainitan po kami tumawag po si mam Jesusa sinabi po niya kahit daw po saan makarating kahit kay President Duterte mabubulok daw po `yong gulay sa loob.”

Sinabi ni Ocampo na naghain ng reklamo ang Cambridge sa Manila Prosecutor’s Office at Presidential Complaint Center kaugnay ng pangyayari.

Hindi naman itinuloy ni Cabatbat ang pag-uusisa dahil wala si Dar sa pagdinig upang mabigay ang kanyang panig. Nagdesisyon din si Cabatbat na huwag nang ituloy ang usapan dahil nagiging “he said, she said” na umano ito. (Billy Begas)