WebClick Tracer

LIFESTYLE

Bumoto nang ligtas

Nasa Alert Level 1 ang Metro Manila at malaking bahagi ng bansa sa mismong araw ng National at Local Elections sa May 9. Ibig sabihin, nasa gitna pa rin tayo ng pandemya lalo’t may nadiskubreng subvariant ng Omicron ang health authorities.

Pero ayon sa Commission on Elections, hindi required na magpakita ng vaccination card ang mga botante. Hindi rin daw kailangan ang negative RT-PCR test para makaboto.

Ang kailangan lang dalhin at isuot – face mask! Maging ang face shield na una nang sinasabi ng Comelec na mandatory sa araw ng botohan, hindi na rin.

Sa kabila nito, hindi pa rin isinasantabi ng Comelec ang kaligtasan ng bawat isa ngayong may banta pa rin ng Covid-19 pandemic.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, pinapayuhan nila ang mga botante na agad na ring umuwi pagkatapos bumoto. Huwag na raw magpalaboy-laboy o tumambay pa sa mga eskuwelahan para makipagkuwentuhan. Isaisip pa rin ang kaligtasan ng bawat isa.

Tiyaking nasa mabuting kondisyon sa mismong araw ng halalan. Ang mga makakaramdam ng sintomas ng Covid-19 gaya ng ubo, sipon at lagnat, puwede pa rin daw makaboto. Hindi ring pinagbabawalang bumoto ang mga kasalukuyang infected at nagpapagaling sa Covid-19. Naglaan ng isolation facility ang Comelec sa mga polling place.

Nauna nang nagpaalala si Pangulong Duterte sa publiko na sumunod sa umiiral na health protocols. Pati ang Department of Health at OCTA Research, naglabas din ng safety guidelines para sa voting public dahil posibleng maging super spreader ang botohan.

Ngayong maalinsangan ang panahon, importante ring magbaon ng tubig pagpunta sa mga eskuwelahan ng pagbobotohan. Iwasang ma-dehydrate. Magdala rin ng tuwalya at extra shirt para may pamalit na damit. Hangga’t maaari, iwasang matuyuan ng pawis. Magdala ng iba pang panangga sa init gaya ng payong at sombrero.

Matulog nang maaga sa bisperas ng botohan para well rested at energized kinabukasan. Mainamdin ito para makapag-ipon ng lakas at hindi agad mapagod sakaling mahaba ang pila sa mga polling place.

Iwasang uminit agad ang ulo. Dagdagan ang pasensiya dahil tiyak na dagsa ang mga tao sa presinto. Maging handa rin sa mga posibleng haraping problema gaya ng nawawalang pangalan sa listahan, nasirang makina, bilihan ng boto at kung anu-ano pa.

Hangad ko ang kaligtasan ng bawat isa sa araw ng botohan.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on