Pinatatanggal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga bangko at e-wallet gayundin sa iba pang financial institution ang mga link nila sa mga transaksiyong may kinalaman sa e-sabong
Binigyan ng BSP ng 30 araw ang mga bangko at e-wallet na abisuhan ang kanilang mga kliyenteng e-sabong operator para makuha ang pera sa kanilang mga account dahil idi-disable na ang links ng mga ito sa e-wallet pati na ang mismong account ng mga e-sabong operator.
Pinirmahan ni BSP governor Benjamin Diokno ang Memorandum No. M-2022-026 nitong Mayo 24 kung saan inutos sa mga bangko at e-wallet na tigilan na ang pag-aasikaso sa mga transaksyon na may kinalaman sa e-sabong.
Sabi ni Diokno, noong Mayo 3 pa naglabas ng abiso ang Philippine Amusement and Gaming Corporation na nagsusupindi sa e-sabong at nagkaroon na rin ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapahinto na sa naturang online sugal.
Paalala ni Diokno sa mga bangko at e-wallet gayundin sa iba pang financial institution na tanging mga sugal na may basbas lamang ng pamahalaan dapat ang tinatanggap ng mga ito.
Mahigpit din ang bilin ni Diokno na kailangan nilang i-report ang mga kaduda-dudang transaksiyon at siguruhing sapat ang safeguards ng kanilang mga sistema para hindi nakapapasok o nakasasali ang mga menor de edad at mga empleyado ng gobyerno sa mga online sugal. (Eileen Mencias)