WebClick Tracer

NEWS

Bato aminadong may umabuso sa drug war

Itinuring ni Senador Ronald `Bato’ dela Rosa na tagumpay ang anti-illegal drugs operation ng administrasyong Duterte subalit aminado ito na nagkaroon ng pag-abuso.

“Well, nakita naman natin na epektibo `yong ginawa ni Pangulong Duterte pero hindi rin natin maipagkakaila na mayroon ding mga pang-aabuso na nangyayari,” ayon kay Dela Rosa.

Sa kabila nito, hinimok ni Dela Rosa si President-elect Ferdinand Marcos Jr. para ituloy ang giyera kontra ilegal na droga.

“Talagang irerekomenda ko sa kanya na ipagpatuloy niya para hindi masayang `yong six years na ginawa natin, ni Pangulong Duterte. Tuloy-tuloy na `yan dapat,” sabi ni Dela Rosa sa panayam sa radyo.

Subalit kailangan aniya magkaroon ng pagsasaayos para maiwasan ang mga isyung ibinabato ng mga kritiko sa pagpapatupad ng drug war.

“Mayroon talagang nangyayaring hindi maganda kaya ganun pa rin dapat ang approach pero may mga minor modification para maiwasan natin `yong violation ng human rights at saka `yong mga involvement ng mga law enforcer sa kalokohan,” sabi pa ni Dela Rosa.

Si Dela Rosa ang unang namuno sa drug war bilang dating Philippine National Police chief ni Duterte. (Dindo Matining)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID