WebClick Tracer

NEWS

1,000 `midnight appointee’ ni Duterte sibakin – Infrawatch

Nanawagan ang Infrawatch PH kay President-elect Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang bakante ang mahigit 1,000 puwesto sa gobyerno na mistulang `midnight appointments’ diumano ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ni Infrawatch PH convenor Terry Ridon na mahigit 1,000 ang itinalaga ni Pangulong Duterte sa iba’t ibang ahensiya at mga korporasyon ng gobyerno noong Marso 2022.

Kasama aniya sa mga itinalaga sa mga constitutional office tulad ng Commission on Audit, Civil Service Commission at iba pa. Ang iba aniya rito ay mayroong fixed term at permanenteng posisyon.

Ngayong na-bypass aniya ng Commission on Appointments ang mga chairpersons at commissioner na itinalaga sa mga constitutional commission, dapat ding bigyan ang susunod na pangulo ng kalayaan para palitan ang mga maituturing na `midnight appointments’ sa mga mas mababang posisyon.

Sabi ni Ridon, fixed ang termino o tukoy ang katapusan ng panunungkulan ng mga commissioner at ang pagtatalaga ng mga civil executive service officer na may permanenteng posisyon sa pamahalaan ay maaaring maging balakid sa bagong administrasyon pagdating sa pagsusulong ng sarili nitong agenda sa ibat ibang mga departamento at komisyon.

Isa sa mga may fixed term aniya ang mga nasa Climate Change Commission kung saan ang kasalukuyang vice chairperson ay may cabinet rank bilang kalihim at noong Marso lamang ito itinalaga.

Dagdag ni Ridon, halos midnight appointment na ring maituturing ang mga bagong talaga sa Philippine Competition Commission at sa Human Settlements Adjudication Board at fixed terms din ang mga posisyon dito.

Kailangan din aniyang bantayan ang mga CESO appointment. Ani Ridon, may isang halos `midnight appointment’ na wala namang karanasan o kasaysayan ng mataas na panunungkulan sa pamahalaan at may isa ring bagong CESO appointee na sinibak na ni Pangulong Rodrigo pero muling itinalaga sa pamahalaan.

Sabi ni Ridon, hindi dapat ito payagan ng susunod na pangulo ng bansa. (Eileen Mencias)