WebClick Tracer

ENTERTAINMENT

Robin bumagsak sa park; sobrang taas ng dugo

Ikinuwento ni Senator-elect Robin Padilla sa kanyang Facebook page ang hindi magandang karanasan sa Spain kasama ang asawang si Mariel Rodriguez at dalawa nilang anak habang namamasyal sa park.

“Napakahirap intindihin ng nangyari sa akin. Wala akong kahit anong sakit pero bigla na lang ako nawalan ng lakas sa tuhod ko habang naglalakad sa parke dahilan para kagyat ako umupo sa ilalim ng puno.

“Nagdilim ang paningin ko at bumagsak ako sa puno sa likod ko. Hilong- hilo ako. May espanyol ako na naririnig ko sa paligid ko. Kinakausap ako parang nais niya ako alalayan,” kuwento ni Binoe.

“Ilang sandali ay lumiwanag ang paningin ko. Nanumbalik ang lakas ng tuhod ko. Dahan dahan ako tumayo. Inalalayan ako ng Espanyol,” patuloy niya.

Kaagad daw niyang hinanap si Mariel pero wala raw ito at kasalukuyang nakasakay sa ride kasama ang panganay nilang anak na si Isabela. Ang bunso naman daw nilang si Gabriela ay nakita niyang natutulog sa stroller. Pagkatapos nito ay sumama na naman ang kanyang pakiramdam.

“Nahihirapan na ako huminga. Bumibigat ang dibdib ko. Kailangan ko na pumunta sa ospital,” kwento pa niya.

“Hilong- Hilo na naman ako. Pinilit ko maglakad hanggang sa entrance

Wala akong makitang taxi. Nag message ako sa kababata ko na sunduin ako at magdala ng taxi. Nag message din ako kay Sir ambassador LHUILLIER na tulungan ako makapunta sa ospital,” lahad ng aktor.

Good thing ay nakakita naman ng clinic si Robin sa lugar na kinaroronan kaya agad siyang pumasok dito. Kinunan siya ng blood pressure at nagulat ang nurse dahil nasa 200/150 ito. Inulit daw ito at ganu’n pa rin kaya tumawag na raw ng ambulance ang nurse.

“Ilang saglit dumating na si Mariel at si Isabela. Nagkaroon ako ng ngiti at nakabawas ng pagkagulo ng isip. Pina-inom ako ng pangbaba ng blood pressure pero walang pinagbago. Dumating ang ambulansiya. Sinaksakan ako ng dextrose/ ecg. Unti unti umepekto ang gamot. Naging 140/104,” pagbabahagi ng aktor.

Dito na raw sila napanatag lahat at pagkatapos nito ay inalis na raw ang mga aparato sa katawan niya. Pero dinala pa rin daw siya ni Mariel sa ospital just to be sure.

“Nagpunta kami ni Mariel kasama ang embahada sa private hospital

Parang Pilipinas din Kailangan ang deposito. May mga test ang ginawa sa akin,” lahad niya.

Normal naman daw ang resulta ng lahat ng isinagawang test sa kanya at binigyan na lang daw siya ng gamot para sa high blood.

Sa ngayon ay maayos na raw ang kalagayan ng aktor/politiko.