WebClick Tracer

OPINION

Astig ang hit and run suspek

Nabigyan na ng ultimatum ang driver ng sasakyan na nanagasa at nang-ababdona sa security guard na biktima nito sa Mandaluyong City na magpakita sa Land Transportation Office (LTO) subalit no show pa rin ito at nagmamatigas na lumantad para harapin ang ginawang kasalanan.

Makailang ulit na ipinatawag ng LTO ang suspect na nagmaneho ng RAV4 na may plakang NCO 3781 pero hindi ito nagpakita at binabalewala ang mga otoridad.

Kung hindi pa siguro nag-viral ang video na kuha sa dashcam ng isang motorista ay malamang na malusutan ng walang budhing driver ang ginawa nito sa biktima.

Pero kahit na-trace ng LTO at Mandaluyong City Police kung sino ang may-ari sa nakasagang sasakyan ay tila tali naman ang mga kamay dahil hindi mapalutang ang suspect sa kanilang mga tanggapan.

Nakapagtatakang pati identity ng suspect ay hindi mapangalanan ng mga otoridad at sa mga unang araw matapos ang insidente ay abugado lang ng nakasagasa ang nagsasalita sa publiko na wala ring masabi at puro hindi alam ang sagot at halata namang pinaiikot-ikot lamang ang mga nagtatanong sa kanya.

Palaging binabanggit na may proseso sa paghahabol sa suspect pero paano naman ang biktima na halos nagbuwis ng buhay pero tila napagkaitan din ng proseso? Paano ito makakuha ng hustisya kung mismong ang Mandaluyong PNP at LTO ay hindi magawang mapalitaw at mapanagot ang suspect?

Oo kakasuhan nga itong kulaspirong nakasagasa, pero mahahabol pa kaya ito kung nakalabas na ng bansa? Walang impormasyon kung nasaan na ito ngayon kaya hindi malayong tumakas na ito para makaiwas sa kasalanan.

Saan ba may problema? Sa batas ba o sa mga nagpapatupad ng batas? O sadya lang ganito ang sistema lalo na kung Mayaman ang nakagawa ng kasalanan?

Nakakalungkot lang isipin na mayroon palang ganitong uri ng Pilipinong napakatigas ng mukha at napakaitim ang budhi, walang konsensiya at walang kinatatakutang batas.

Palagi kong naririnig “no one is above the law” pero bakit itong suspect na nakasagasa at nang-iwan sa biktima at tumakas ay hindi mapasunod mapalitaw ng mga otoridad?

Gaano ba kalakas ang impluwensiya ng suspect na ito dahil pati mga guwardiya sa tinitirhang village ay namanduhan para pigilan ang mga pulis na papasok sa kanyang kinalalagyan? anak ng patola ka!

Malusutan mo man ang batas pero naniniwala ako hindi mo maliligtasan ang balik ng ginawa mo. Alalahanin mo boy, may tinatawag na KARMA. Mas malupit ang balik nyan, hindi man sa yo, baka sa mga mahal mo sa buhay tumama. Mag-isip isip ka.