WebClick Tracer

NEWS

Digong nasilaw sa bilyong e-sabong kita

Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko kaugnay sa naging epekto ng online sabong sa mga Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa Clark City, Capas Tarlac matapos inspeksiyunin ang National Academy of Sports, sinabi ng Pangulo na hindi niya agad napagtanto ang negatibong epekto ng e-sabong sa mamamayang Pilipino at huli na nang ipahinto niya ang operasyon ng mga ito.

Natuon aniya kasi ang atensiyon nito sa P640 milyong kita kada buwan mula sa online sa­bong at bilyon-bilyong pisong kita kada taon.

“Eh ‘yung e-sabong I’m sorry I didn’t really realized that it would be like…akala ko kasi ‘yung ano, the moving factor there was na-imbiyerna kasi ako. 640 million a month, tapos so many billions a year marami nag-ooperate eh,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na ngayon niya lamang napagtanto ang masamang epekto ng online sabong sa mga Pilipino matapos makara­ting sa kanya ang report na halos buong miyembro ng isang pamil­ya pati kabataan ay nalulong sa e-sabong at ang iba ay nagsasanla ng mga gamit para lamang may maipantaya.

“Ngayon ang naano ko, but I realized very late and I am very sorry that it had to happen. Hindi ako akalain na ganon. Hindi naman ako nagsusugal I do not gamble, I do not drink anymore, only water,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)