WebClick Tracer

ENTERTAINMENT

Nora nahirapang huminga; suportado ng oxygen

NI: CRISTY S. FERMIN

Hindi inisnab ni Nora Aunor ang Palasyo nu’ng nakaraang Huwebes nang hapon para tanggapin ang kanyang parangal bilang National Artist mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Wala siyang kasingligaya sa pagkatanghal sa kanya ng NCCA bilang Pambansang Anak Ng Sinig sa pelikula, ito ang itinuturing na regalo ng Superstar hindi lang para sa kanyang sarili kundi pati sa kanyang mga tagahanga na ilang dekada nang sumusuporta sa kanya, pero wala siyang pamimilian kundi ang humingi ng pang-unawa sa lahat ng bumubuo ng NCCA na namamahagi ng mga parangal.

Sina Ian de Leon at Matet ang tumanggap ng kanyang award, gustung-gusto niyang personal na magpunta, pero hindi kaya ng kanyang katawan.

Mahabang panahon na niyang hinihintay ang parangal na ito para may maibigay siyang sorpresa para sa kanyang mga Noranians pero talagang hindi niya kakayaning personal na tanggapin ang Natinal Artist award niya para sa pelikula.

Ilang panahon nang masasakitin ang Superstar. Nahihirapan siyang kumilos at huminga nang kusa kaya kailangan niyang humingi ng suporta ng oxygen.

Sabi ng aming source, “Sayang, kung kailan naman napasakanya na ang National Artist award, saka naman siya nagkasakit. Ihahandog niya ‘yon sa pamilya niya, sa mga tagahanga niya, pero hindi niya talaga kinaya.”

Sa halip na gawing malaking isyu ang hindi niya personal na pagtanggap sa pinakamataas na antas ng parangal sa buong karera niya bilang aktres at singer ay ipagdasal na lang nating na sana’y bumuti agad ang sitwasyon ng Superstar.

‘Yon ang kailangang-kailangan niya ngayon.