WebClick Tracer

NEWS

PNP inaareglo buhos ng tao sa National Museum

Tinitingnan ng mga awtoridad ang Philippine Arena sa Bulacan bilang isa sa mga lugar kung saan maaaring maglagay ng malaking LED television para manood ang mga tagasuporta ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang inagurasyon sa June 30.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Director for Operations Major General Valeriano de Leon, hanggang 70,000 katao ang puwedeng makapasok sa Philippine Arena habang 100,000 naman ang kakayaning makapuwesto sa labas nito.

Bukod sa Philippine Arena ay naghahanap din ng iba pang magandang lugar kung saan puwede aniyang panoorin na lamang ng mga tao ang inagurasyon ni Marcos.

Puntirya ng naturang plano na mabawasan ang inaasahang sobrang dami ng mga tagasuporta ni Marcos na dadalo sa inagurasyon nito na gaganapin sa National Museum sa Maynila. (Kiko Cueto)