May punto naman ang mga Marites na nagsasabing palaging patola ang isang popular na female personality. Mahilig siyang pumatol sa mga bashers, bigay siya nang bigay ng reaksiyon, kahit hindi na naman kailangan pa.

Walang pinalalampas na komento ang sosyalin pa namang babaeng personalidad, kahit konting salita lang, binibigyan na niya ng panahon para sagutin.

Komento ng aming impormante, “Meron palang taong ganu’n, hano? ‘Yong masyadong sensitibo. Konting salita lang, parang nag-iinit na ang karburador niya, kaya kailangan niyang sagutin!
“E, ang sosyal-sosyal niya, di ba? Tuloy, parang natsitsipan sa kanya ang mga Marites, sosyalerang palengkera raw siya!” unang sabi ng aming source.

Sobrang abala ang female personality na ito dahil biyahe siya nang biyahe. Kung anu-ano ang dinadaluhan niyang aktibidad na super-sosyal sa iba-ibang bansa.

Patuloy ng aming source, “’Yon na nga! Parang siya na ang babaeng walang pahinga, di ba? E, bakit pa siya nagkakaroon ng time na sagutin ang mga nagko-comment laban sa kanya?

“Ang sipag-sipag niya! Ang galing niyang humawak ng oras! Kahit sobrang busy siya, e, may time pa rin siyang maging patola! May panahon siya sa lahat ng anggulo ng buhay niya!

“Nabubura na tuloy ang pagiging sosyalera niya sa pagiging patola niya! Wala pala ‘yan sa kasosyalan at pagiging mayaman, nasa naturalesa pala ng tao ‘yan!” pabuntong-hiningang sabi uli ng aming source.

Kahit kuno nu’ng bagets pa ang female personality na ito ay talagang hindi na siya mapakali kapag may naririnig siyang mga pintas sa kanya. Babalikan at babalikan niya ang mga nagsasabi nu’n.

Dagdag na kuwento ng aming impormante, “True! Kahit nu’ng teenager pa siya, e, may pagkapalengkera na ang babaeng ‘yon! May mga kasama pa siyang yaya kapag nagtatrabaho siya, halos dalhin na niya ang buong kusina nila dahil sa mga dala-dala niyang kitchen appliances!
“Sosi siya, di ba? Pero kapag nakakarinig siya ng mga comments na hindi pabor sa kanya, e, naninita siya! Kinokompronta niya ang nagsasabi!

“Wala pa kasing social media nu’n na katulad ngayon, kaya hindi ‘yon masyadong nababalita! E, ngayon, wala nang maitatago ang mga artista!

“Hay, naku! Wala nga sa image ‘yan! Wala sa kasosyalan ‘yan! Saging lang ang may puso! ‘Yon lang!” napakadiing komento ng aming source sa kanyang pagtatapos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *