Mayroon pang ibang solusyon na maaaring gawin ang papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. maliban sa panukalang suspindehin o tanggalin ang ipinapataw na buwis sa langis.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, dapat huling hakbang na maaaring gawin ang pagtanggal ng buwis sa langis kung wala na talagang mahanap na ibang solusyon dahil napakalaki ng mawawalang pondo sa gobyerno kapag inalis ito.

“Para sa akin personal kong pananaw dahil nga malaki ang mawawala sa kaban ng bayan almost P150 plus billion dapat gawin natin ito pinakahuli na kung talagang wala na tayong magagawa,” ayon kay Gatchalian sa isang panayam sa radyo.

Lalo na umano ngayon na malaki ang pagkakautang ng bansa dulot ng pandemya at kailangan ng pondo para mabayaran ito.

Mungkahi ng senador na palawakin pa ang libreng sakay at pagkakaloob ng ayuda sa mga sektor na apektado ng patuloy na taas-presyo ng langis.

“Meron pa tayong magagawa for example yong Pantawid Pasada (Program) natin puwede pang palawakin,yong libreng sakay puwede pang palawakin pati `yong pagdagdag ng ethanol lumabas puwede tayong makabawas ng halos P4 per liter kapag nagdagdag tayo ng ethanol,” ani Gatchalian.

May nasilip din umano sila na mapagkukunan ng pondo para sa karagdagang ayuda.

“Meron kaming nakitang mga tinatawag nating unobligated na pondo at may nakita rin kami na tinatawag natin na unutilized ito ang mga pondong di nagagamityong iba kasi nag-iba na ng project so nakikita ko even sa loob ng DOTr (Department of Transportation) may pagkukunan doon sa unobligated,” sabi ni Gatchalian.

Dagdag pa ng senador na puwede rin silang maghain ng supplemental budget para mag-realign ng pondo mula sa ibang ahensiya ng gobyerno.

Ang punto umano ni Gatchalian ay makabiyahe ang mga pampublikong sasakyan para hindi mahirapan ang mga pasahero. (Eralyn Prado)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *