WebClick Tracer

NEWS

Duterte ilulusot mga pulis, sundalo sa kaso

Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya pababayaan ang mga pulis at sundalo na mahaharap sa kaso kahit wala na siya sa Malacañang.

“Even if I’m no longer a mayor or a president, if it is done in the performance of duty, tutulungan ko kayo maski saan, abogado ako. Ilulusot ko kayo,” wika ng pangulo sa kanyang talumpati sa Davao City.

Kumpiyansa ang pangulo na kakayanin niyang ipaglaban ang mga naging aksyon ng kapulisan at mga sundalo lalo na kung may kinalaman sa giyera laban sa mga kriminal at sa New People’s Army (NPA).

“Makapatay kayo ng lima, anim diyan. You know, one burst of the armalite, brrtt, iba-iba ang matamaan, pati inosente. Do not worry. That is part of the territory of fighting. I will be there to support you,” sabi ni Pangulong Duterte.

Pinapurihan pa niya ang mga pulis at sundalo dahil tinulungan umano siya na maging magandang lugar ang Davao City para tirahan.

Samantala, iginiit ni Pangulong Duterte na tigilan ng International Criminal Court (ICC) ang pagbabanta nito na iimbestigahan ang mga sinasabing `crimes against humanity’ kaugnay sa inilunsad niyang giyera kontra ilegal na droga.

“Ang ICC, nakikinig man kayo, huwag na kayong mag-drama ng idemanda-idemanda niyo,” wika ng pangulo.

Muling binigyang-diin nito na walang kapangyarihan ang ICC para imbestigahan ang drug war dahil gumagana naman ang justice system sa bansa.

Nauna rito ay hiniling ng ICC na pahintulutan silang ituloy ang pag-iimbestiga sa drug war ng administrasyong Duterte.

Ipinahayag ni ICC prosecutor Karim Khan na nakasaad sa resolusyon na walang naipakita ang gobyerno ng Pilipinas na nag-imbestiga ito sa mga napaulat na pang-aabuso sa drug war ng gobyerno.

Sa kabilang dako, inihayag naman kahapon ni outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra na walang kapangyarihan ang ICC na mag-imbestiga sa mga patayang naganap kaugnay ng drug war sa Pilipinas. (Ansherina Jazul)