WebClick Tracer

LIFESTYLE

Huling hirit para kay Papa

Katatapos ng buwan ng Hunyo pero may isa pang hirit tayo sa mga tatay ng tahanan . Dahil ang buwan ng Hunyo ay idinaos ang Father’s Day, buong buwan ay inihandog ang men’s health. Nagkaroon tayo ng pagkakataon na magsalita sa iba’t ibang mga talakayan at palaging tanong ay kung tumanda na ba ang isang lalaki ay magkakaroon na ng prostate cancer? Hirap sa pagihi lang ba ang sintomas nito? Pwede bang hindi magkaroon nito? Para saan ba talaga ang prostate? Mga tanong na nakakaalarma nga kaya handa nating sagutin.

Ang prostate o prostata ay normal na bahagi ng katawan ng kalalakihan. Ito ay nakikita sa baba ng pantog na nakapalibot sa daanan ng ihi bago lumabas ng ari. Gumagawa ito ng likido na kasama ng semilya. Normal na lumalaki ang prostata sa edad na 40 pataas na maaaring magdulot ng pagkipot ng daanan ng ihi na sanhi ng paghirap sa pag-ihi. Ito ay tinatawag na B.P.H. o Benign Prostatic Hyperplasia o Hypertrophy. Kapag ito ay nangyari, maaaring makakaramdam ng mga sumusunod:

Nararamdaman na may natitirang ihi sa pantog pagkatapos umihi.
Madalas na pag ihi na hindi lalagpas sa dalawang oras.
Paputol-putol o patigil-tigil sa daloy ng ihi.
Nahihirapan na pigilan ang pag-ihi na kung minsan ay naiihi na sa salawal bago dumating sa C.R.
Mahina ang daloy ng pag-ihi.
Umiiri para makaihi.
Madalas na bumangon sa gabi para umihi.

Ito ay nakakabahala at maaapektuhan ang normal na pamumuhay. Maari din magdulot ng madalas na impeksyon sa ihi, pagtubo ng bato sa systema, pagkasira ng pantog, kidneys, atbp. Kailangan na makita ng kasamahan nating urologist para malaman ang mga ito. Ang gagawin nila ay maaring obserbahan lamang, bigyan ng gamot, pagkayod sa prostate (T.U.R.P.), o operasyon. Lahat ng ito ay depende sa kanilang pagsusuri.

Ang B.P.H. ay hindi kanser, ngunit maaring dapuan ng kanser. Kapag may prostate cancer, ito ay maaring magdulot ng pagkalat ng kanser sa iba’t ibang bahagi ng katawan at maaari din magdulot ng mas maagang kamatayan. Ang mga sintomas ay katulad din ng B.P.H. Kung minsan naman ay hindi ito nararamdaman. O di kaya ang nararamdaman lamang ay ang pananakit ng balakang na pwedeng sanhi na ng pagkalat ng kanser sa buto, lalo na kung malala na ito. Ang maganda ay naagapan at nagagamot ang prostate kanser kung ito ay nagsisimula pa lamang at maagang nadiskubre. Nalalaman ito sa pamamagitan ng: 1. D.R.E. o Digital Rectal Examination; 2. Eksaminasyon sa dugo na P.S.A. o Prostate Specific Antigen; at, 3.Prostate Biopsy.

Huwag tayo magpabaya sa sarili. Alalahanin natin na sa atin nakasandig ang ating Pamilya at mga mahal sa buhay. Kung may mga nararamdaman, huwag na magpamacho at magpasurin a sa doktor.

Hanggang sa susunod ! Stay Healthy! Stay safe! Be vaccinated and boostered!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 at channel 23, tuwing linggo 11am-12nn at Kapitbahay sa DZEC1062 tuwing sabado 715am) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on