WebClick Tracer

Sunday, September 25, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

Ex-AFP chief guilty sa suhol, bayad pa ng P400M

Hinatulan ng guilty ng Sandiganbayan Second Division sa kasong direct bribery at facilitating money laundering si dating Armed Forces of the Philippines comptroller Carlos Garcia.

Si Garcia ay unang kinasuhan ng plunder at money laundering sa Sandiganbayan noong 2005 at 2009 pero sa plea bargaining agreement nito, nag-plead guilty ito sa mas mababang kasong direct bribery at facilitating money laundering.

Ibinaba ng anti-graft court ang hatol noong Hulyo 5, 2022 matapos maging final and executory noong Hulyo 15, 2021 ang pagbasura ng Supreme Court sa petition for certiorari ng Office of the Solicitor General na tumutol sa plea bargaining agreement.

Sa kasong direct bribery, hinatulan si Garcia na makulong ng mula 4 hanggang 8 taon at multang P406.3 milyon. Sa facilitating money laundering, 4 hanggang 6 taon itong pinakukulong at multang P1.5 milyon.

Si Garcia ay naakusahang tumanggap ng P302 milyon habang siya ay comptroller ng AFP.

Nabuking ang tagong yaman ni Garcia matapos mahulihan ng $100,000 undeclared cash sa Estados Unidos ang dalawa nitong anak na sina Juan Paolo at Ian Carl noong 2003.

Ayon sa asunto ng Ombudsman, tumanggap umano ng komisyon, regalo, kickback at iba pang benepisyo si Garcia sa mga kontrata ng gobyerno.