WebClick Tracer

OPINION

Listahan sa barangay ayuda linisin din

Hindi natin inaasahan na hahantong sa pagbura ng mga walang karapatang benepisyaryo ng 4Ps ang pagpasok ng ating kapatid sa pamamahayag na si Erwin Tulfo sa DSWD.

Pero saludo tayo sa kanyang unang hakbang na ginawa dahil pagpapakita ito na sa maiksing panahon pa lamang nya sa DSWD ay nasipat na niya ang isa sa problemang kakaharapin.

Malungkot sa parte ng mga mabubura sa listahan ng 4Ps beneficiary pero tama lamang ang hakbang na ito para naman maibigay sa karapat-dapat na mahihirap nating kababayan ang tulong.

Malay natin sa mabuburang mahigit isang milyong benepisyaryo ay mas karapat-dapat ay mapabilang o mas nangangailangan.

Kaya saludo tayo sa inisyatibong ito ng DSWD na siyempre ay binasbasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dahil sa paglilinis ng DSWD sa listahan ng mga tumatanggap ng 4Ps umaasa tayong malinis na rin dapat ang listahan ng mga local government unit na namimigay ng tulong na mula sa DSWD at minsan ay sa DOLE.

Sa pagkakaalam kasi natin base sa mga natatanggap nating reklamo, maraming tulong ang ibinababa sa mga city hall, munisipyo at barangay ang mga tanggapan sa national government gaya ng DSWD, DOLE at iba pa.

Pero pagdating sa baba ay hindi rin tunay na mga benepisyaryo ang nakikinabang kundi mga kaalyado lamang sa politika ni barangay chairman, kagawad, mayor, konsehal at pataas ang nagpapasasa.

Ito ang dapat na aksiyunan ng national government dahil sayang ang mga ibinababa nilang tulong kung politika pa rin ang ipinaiiral ng mga namamahala sa distribusyon ng tulong.

Nganga ang mga kababayan nating tunay na nangangailangan dahil naiitsapuwera sila sa tulong na ibinibigay ng national government.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on