Maraming naguguluhan at nagtatanungan, bakit nga kaya ayaw mamatay-matay ng kuwentong bago pa man pumasok sa showbiz ang isang female personality ay meron na siyang anak?
‘Yon ang pinaninindigan ng mga nakakakilala sa kanya, dati na raw may itinatagong anak ang babaeng personalidad, hindi na raw bago ang mga kuwentong lumulutang ngayon tungkol sa kanya.
Unang hirit ng aming source, “Napakaraming kuwento tungkol sa babaeng ‘yon! Kapapasok pa lang niya sa showbiz, kakambal na niya ang sangkatutak na kuwento na nanggagaling sa mismong lugar kung saan siya galing!
“Nakakaloka! Bata pa siya, pero ang mga kuwento, parang hindi nababagay sa kanya. Sa edad niya kasi, e, anak na ang pinagkukuwentuhan!” napapailing na unang kuwento ng aming impormante.
Nakapagtataka lang na ang mga umuupak sa female personality sa social media ay mismong mga taong nakakasalamuha nila sa kanilang probinsiya. Hindi sa iba nagmumula ang mga kuwento kundi sa mga kakomunidad nila.
Patuloy ng aming source, “Imagine, sa age niyang ganyan, bakit lumulutang na agad na meron siyang itinatagong anak? Ilang taon siya nu’ng umiri-iri? Napakaaga naman yata!
“Pero ‘yon talaga ang pinaniniwalaan ng mga nakakakilala sa kanya, meron na siyang anak, itinatago lang nila!” madiin na namang istorya ng aming source.
Ngayon ay binabardagol na naman ng mga bashers ang female personality. Kalulutang lang kasi ng kuwentong nakalunok siya ng pakwan. Natural, umugong na naman nang pagkalakas-lakas ang kuwentong hindi na bago ang balitang ito, pinagpipistahan na naman siya.
Sabi uli ng aming source, “Naku, comment nga ng mga nakakakilala sa kanya, e, wala raw siyang kadala-dala! Ano, itatago na naman daw niya ang baby?
“Kailangan nilang magpaliwanag para matuldukan na ang istoryang matagal na siyang nanay! Kapag hindi nila ‘yon nilinaw, e, palagi na lang ganyan ang kuwento, sa napakabatang age, e, meron na siyang itinatagong anak!
“Harapin niya ang kuwento, huwag niyang iniiwasan, hindi niya matatakasan ang istoryang ito!” padabog na pagtatapos ng aming source.