WebClick Tracer

NEWS

Hustisya pramis nina BBM, Sara sa mga biktima ng Ateneo shooting

Nangako si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng mabilisang imbestigasyon at hustisya sa nangyaring pamamaril sa Ateneo kung saan tatlo ang namatay, kabilang ang dating mayor ng Basilan City.

Nakiisa sa pakikiramay ang pangulo sa pamilya ni Rosita Furigay, dating Lamitan City Mayor; Victor George Capistrano, na kanyang executive assistant at isang Bandiola Jeneven.

Sugatan naman ang 25-taong gulang na anak ng dating mayor na si Hannait na kabilang sa mga magtatapos sana sa Ateneo Law school.

“We commit our law enforcement agencies to thoroughly and swiftly investigate these killings and bring all involved to justice,” sinabi ni Marcos sa kanyang official Facebook page.

Sinabi pa ni Marcos na siya ay ‘shocked and saddened’ sa nangyaring pamamaril.

“Our prayers go to the graduates, their families, the Ateneo community, and to the residents of Quezon City and Basilan,” sinabi ni Marcos.

Si Furigay ay binaril habang naglalakad papunta sa lobby ng isa sa mga gusali kung saan isasagawa ang graduation ng Ateneo Law students.

Idineklara itong patay sa ospital kasama si Capis­trano.

Kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang shooter na si Dr. Chao Tiao Yumol, 38, residente ng Basilan.

Kinansela na ng Ateneo Law School ang graduation rites.

Samantala, kinondena ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang pamamaril sa Ateneo.

Sinabi ni Duterte, sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Atty. Reynold Munsayac na walang puwang sa ating lipunan ang karahasan lalo na sa isang eskuwelahan, na itinuturing na isang safe space lalo na para sa mga estudyante.

Nagparating din umano si Duterte ng kanyang panalangin at pakikiramay sa pamilya ng mga biktima, ayon kay Munsayac.

Sinabi ni Munsayac na nananawagan din ang Bise Presidente sa Philippine National Police (PNP) na tugunan ang karahasan sa bansa at isa umano sa mga dapat na gawin ang pagsasagawa ng mga operasyon laban sa mga ilegal na baril. (Billy Begas)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID