WebClick Tracer

NEWS

PBBM dismayado sa matumal na pa-booster vs COVID

Kinalampag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang local government units (LGUs) para paigtingin ang vaccination rollout para sa booster shot ng publiko lalo na sa mga estudyanteng papasok sa face-to-face classess ngayong Agosto.

Sa lingguhang vlog ng presidente, sinabi nitong hindi pa nakukuha ang 100% na target kaya dapat kumilos ang LGUs para mas maraming Pinoy ang makakuha ng una at ikalawang booster shot laban sa COVID-19.

Sa kasalukuyan ay nasa 15.9 million na Pilipino pa lamang ang nakapag-first booster shot at nasa 1.2 milyon mahigit na ang nakapag second booster shot.

“Hindi pa ito magandang numero kumpara sa target natin na 100% kaya hindi tayo magsasawa na pakiusapan ang ating mga LGU na maging mas agresibo dito sa kampanyang ito,” anang pangulo.
Bagama’t itinuturing na ghost month ang Agosto, na ang ibig sabihin ay walang masyadong kaganapan, sinabi ng pangulo na magiging taliwas ito sa inaasahan dahil maraming mga gagawin ang gobyerno sa buwang ito.

Magsisimula aniya ngayong buwan ang face-to-face classes kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa kaya aasahang maraming magiging aktibidad ngayong Agosto.

“Agosto na po. Ang sabi ng iba ito ay tinatawag na ghost month dahil walang masyadong kaganapan pero mukhang maiiba ang Agosto natin ngayong taon dahil sa mga plano na gusto nating mangyari. Itong buwan na ito, ito na ‘yong pagbalik ng face-to-face classes kasabay ng pagdiriwang natin ng buwan ng wikang pambansa,” dagdag ng pangulo.

Mahalaga aniyang makapaghandang mabuti para magtagumpay ang face-to-face classes kaya mahalagang may booster shot ang mga estudyante para may dagdag silang proteksiyon laban sa patuloy na banta ng COVID-19.

“Una na riyan ‘yong panigurong nakapag-booster shot na ang lahat lalong-lalo na ang ating mga kabataan para siguradong handa ang pangangatawan nila sa pagbabalik-eskuwela,” wika ng pangulo. (Aileen Taliping)