WebClick Tracer

METRO

Isinunod sa erpat: Uncle ng killer sa Ateneo itinumba

Isa pang kaanak ng doktor na suspek sa naganap na pamamaril sa Ateneo kamakailan ang pinaslang sa sa Lamitan, Basilan, nitong Sabado.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si Bhi Isniyan Yumol Asdali, 52, tiyuhin ni Dr. Chao Tiao-Yumol.

Sa ulat ng Lamitan police, nakaupo si Asdali sa terrace ng kanyang bahay sa Sitio Muhibal, Barangay Colonia alas-9:30 ng gabi nang bigla na lamang sumulpot ang hindi nakilalang lalaking salarin at paulit-ulit siyang pinagbabaril dahilan upang mamatay noon din ang biktima.

Narekober ng Lamitan police, sa pangunguna ni acting director Police Lt. Col. Tadzhabel Managola, ang anim na fired cartridge at isang clip ng Garand rifle sa pinangyarihan ng krimen.

Agad namang nagsasagawa ng hot pursuit operations ang pulisya para madakip ang suspek.

Si Asdali ang pangalawang miyembro ng pamilya Yumol na pinatay sa loob ng wala pang dalawang linggo matapos arestuhin si Dr. Yumol dahil sa pagpatay kay dating Lamitan Mayor Rose Furigay, sa executive secretary nitong si George Capistrano at Jeneven Bandiala, security guard ng Ateneo de Manila University sa loob ng campus ng Ateneo de Manila University sa Quezon City noong Hulyo 24.

Noong Hulyo 29, ay tinodas din ang ama ni Dr. Yumol na si Rolando, malapit sa kanyang tahanan sa Lamitan.

Patuloy ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.