WebClick Tracer

METRO

2 vendor sa Quiapo, dinedo

Patay ang dalawang vendor nang pagbabarilin ng gunman na sakay ng motorsiklo habang nagbubukas ng kanilang tindahan kamakalawa sa panulukan ng P. Gomez at Carriedo Sts. sa Quiapo, Maynila.

Kinilala ni PLt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District-homicide section, ang biktimang sina Jimmy Lingat, 52 vendor, ng Mataas na lupa, Indang Cavite; at Marlon Tan, 42, ng Gonzalo Puyat St., Quiapo na nasawi dahil sa tama ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inilarawan naman ang suspek na naka-green helmet at jacket na mabilis ding tumakas sakay ng motorsiklo.

Nabatid kay PLt.Col. Jonathan Villamor, Commander ng MPD- Police Station 3, naganap ang insidente alas-7:13 ng umaga.

Abala umano ang mga biktima sa pagbubukas ng kanilang stall nang biglang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang dalawa.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa pagpaslang at kung may kinalaman ito sa iligal na droga. (Juliet de Loza-Cudia)