WebClick Tracer

Sunday, September 25, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

Coronavirus, dengue sabay sumisipa

Parehong sumisipa ang mga kaso ng COVID-19 at dengue sa bansa batay sa inilabas na mga datos ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Agosto 8.

Nakapagtala ang DOH ng 27,331 bagong kaso ng COVID mula Agosto 1 hanggang 7 sa buong bansa.

“Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 3,904, mas mataas ng 13 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Hulyo 25 hanggang 31. Sa mga bagong kaso, 76 sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman. Samantala, mayroon namang naitalang 80 na pumanaw kung saan 32 ay naganap noong Hulyo 25 hanggang Agosto 7,” base sa pahayag ng DOH kahapon.

“Noong ika-7 ng Agosto 2022, mayroong 772 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,514 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 624(24.8%) ang okupado. Samantala, 30.9% ng 21,548 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” dagdag ng kagawaran.

Lagpas 92K tinamaan ng dengue

Samantala, umaabot na sa mahigit 92,000 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang Hulyo 23 ngayong 2022.

Ayon sa DOH, ito ay 118% mataas kumpara sa mga naitalang kaso sa parehong panahon noong 2021.

Nabatid sa DOH National Dengue Data nakapagtala ng 42,294 kaso ng dengue mula noong Enero 1 hanggang Hulyo 23.

Karamihan umano sa mga kaso ng dengue ngayong taon ay naitala sa Central Luzon na mayroong 17% o 15,951 tinamaan ng naturang sakit. Sinundan ito ng Central Visayas na may 9,429 (10%) kaso at National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng 7,962 (9%).

Sinabi pa ng DOH na siyam mula sa 17 rehiyon sa bansa ay nalampasan na ang tinatawag na epidemic threshold sa loob ng nakalipas na apat na linggo.

Nalaman na may 344 katao ang nasawi o 0.4%.

Una nang sinabi ni DOH officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nakakaalarma na ang pagsirit ng mga kaso ng dengue sa bansa. (Juliet de Loza-Cudia)