WebClick Tracer

Sunday, September 25, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
ENTERTAINMENT

Feelingerong singer bet iilublob sa ilog

Maintriga ang mundo ng musika. At maraming Marites sa balwarte ng mga manganganta. Hindi lang sila nag-iingay pero sila-sila mismo ang nagtsitsismisan.

Isang nadiskubre ng aming source ay marami palang naaangasan sa isang kilalang male vocalist ng isang banda. Hindi pa niya naaabot ang sukdulan ng kasikatan pero para sa kanyang mga katrabaho ay masyado na siyang feelinggero.

Kuwento ng aming source, “Maraming nagsasabing user ang male singer, mahilig siyang makipag-close sa mga sikat. Feeling belong siya sa magkakaibigang puro famous.

“Gumagawa talaga siya ng paraan para maging ka-close niya ang mga sikat na artista, ipagsisiksikan niya talaga ang sarili niya!” unang reaksiyon ng aming impormante.

Nagkaroon naman ng pagkakataong makilala ang kanyang grupo nu’ng puro banda ang usong-uso. Marami silang banda, dalawa-singko nu’n ang mga grupong kumakanta, isa ang kanyang tropa sa nakalusot.

Patuloy ng aming source, “Guwapo naman siya, saka maporma, maganda naman ang datingan niya. ‘Yon ang naging advantage niya that time, iba kasi ang dating ng bokalista kapag may itsura.

“Pero hindi alam ng marami na gusto niyang mag-artista. Pangalawa lang ang pagkanta para sa kanya, ang unang-unang pangarap niya, e, ang maging sikat na artista!

“’Yon ang dahilan kung bakit nakipag-close siya sa isang female personality. Ginamit niya ang closeness nila para makilala siya. Pinadama pa nga niya ang girl na kunwari, e, type niya, kahit hindi naman.

“At nakipagkaibigan din siya sa mga tropang puro sikat ang magkakaibigan, talagang feeling belong siya, gustong-gusto niya ‘yon!

“Siya ang pinagkukuwentuhan ng mga kapwa niya singers, mapangarap ang male vocalist! Pangarap niyang sumikat bilang arista at hindi lang basta singer!

“Kahit ang mga kagrupo niya, may mga nasasabi rin tungkol sa ugali niya! Feeling-sikat nga kasi siya, lalo na kapag dumadayo sila sa mga shows sa malalayong places!

“Nagtatawanan nga ang mga naaangasan sa kanya, gusto siyang ilublob sa ilog! Puwede rin siyang itulak sa sapa, kasi nga naman, ang pangalan ng grupo kung saan siya bokalista, e, sa maputik na lugar tumutubo!

“Ay! Oo nga naman! Saan nga ba nakikita ang water lily? Di ba, sa putikan?” humahalakhak na pagtatapos ng aming source.