WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Lamitan police sablay sa tinumbang `uncle’ ng Ateneo killer

INAMIN ng Philippine National Police – Bangsamoro Autonomous Region na ‘human error’ ang kanilang spot report kung saan nakasaad na ang biktima sa nangyaring pamamaril sa Lamitan City, Basilan PNP ay kaanak o tiyuhin ni Ateneo De Manila University (AdMU) murder suspect Dr. Chao Tiao-Yumol .

Sa panayam, sinabi ni PNP Bangsamoro Public Information Officer Police Major Eirene Mazon na nagkamali ito.

“May error sa pag input ng name sa spot report and later na lang nakita na may error pala doon,” pag-amin nito. “Human error po ang nangyari, aminado po ang Lamitan,” dagdag ni Mazon.

Sa ngayon ay inaantay na anila ang kabuuang paliwanag sa pagkakamali at naglabas na sila ng corrected report. Naging maingat na rin umano ang mga police investigators sa paglabas ng impormasyon.

Nauna rito’y naglabas ng spot report ang Lamitan police noong Linggo na sinasabing ang isang rubber tapper na nagngangalang Bhis Isniyan Yumol Asdali na napatay sa kanyang bahay sa Lamitan City noong Sabado, Agosto 6 ay kaanak ng Ateneo killer.

Binawi ito ng Lamitan police at sinabing walang kaugnayan o hindi kaanak ni Dr. Yumol ang biktima.

Si Dr. Yumol ay dinakip dahil sa pagpatay kay dating Lamitan Mayor Rose Furigay, sa executive secretary nitong si George Capistrano at Jeneven Bandiala, security guard ng Ateneo noong Hulyo 24.

Noong Hulyo 29, ay tinodas din ang ama ni Dr. Yumol na si Rolando, malapit sa kanyang tahanan sa Lamitan. (Kiko Cueto)