WebClick Tracer

OPINION

Tabako

Bumuhos ang tribute o pagpupugay kay dating Pangulong Fidel V. Ramos matapos itong pumanaw noong Hulyo 31 sa edad 94. Marami na tayong nabasa tungkol sa mga nagawa ng dating Pangulo para sa ating bansa.

Alam na natin kung ilang beses niyang ipinagtanggol si Pangulong Corazon Aquino mula sa pitong beses na kudeta sa kanyang administrasyon.

Pero ang medyo bago sa kaalaman ng publiko ay ang rebelasyon ng kanyang dating national security adviser na si Jose Almonte na dalawang beses inalok si Ramos o FVR na pamunuan ang bansa.

Una ay noong lumayas na si Pilipinas si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. at ang pamilya nito patungong Hawaii noong 1986 EDSA People Power Revolution. Ayaw daw kasi ni Ramos na maging ‘banana republic’ ang Pilipinas.

Pangalawa ay ang 1989 coup na muntik nang ikabagsak ni Cory. Mismong mga miyembro ng gabinete ni Aquino ang nagrekomenda na itake-over ni Ramos ang gobyerno pero muli siyang tumanggi.

“I don’t want to preside over the dissolution of the republic. If there’s anybody in the military, police, or the civilian government who would like to be president, let them resign or retire, whichever it may be, then submit themselves to elections.” kuwento ni Almonte sa ensaktong sagot umano ni Ramos.

Kahanga-hanga ang pananaw sa buhay ni Ramos kaya naman hindi nakapagtatakang pagpalain din siyang maging pangulo ng bansa mula 1992 hanggang 1998.

Bago nagtapos sa kanyang termino si Ramos, mapalad tayong nakasama sa kanyang state visit sa limang bansa sa Asya noong Marso 1997. Inabot kami ng dalawang linggo sa byaheng iyon at siksik ang bawat araw ng schedule niya.

Una naming pinuntahan ang India na noong buwan na iyon ay tagos hanggang buto pa ang lamig ng panahon. Sunod na pinuntahan ang Bangladesh. Doon ko nasaksihan na mas masuwerte pa ang mga Pinoy dahil pati mga babae roon ay naghuhukay sa kalsada.

Sa Pakistan naman, lagare pa rin siya sa trabaho pero sa ikalawang araw ay nagkaroon ng kanselasyon sa kanyang mga iskedyul. Walang sinabi ang mga opisyal pero ating napag-alaman na inatake pala ang presidente.

Balak na sanang ikansela ang mga susunod na biyahe pero kinontra ito ni Ramos at tumuloy pa rin sa Bahrain at United Arab Emirates.

Habang pauwi ng Pilipinas, nakipagtsikahan si Ramos sa mga reporter na parang walang nangyari sa kanya. Namigay pa ito ng tabako sa ilang kalalakihang reporter. Isa tayo sa sumasaludo sa work ethic ng dating Pangulo.