WebClick Tracer

METRO

Pananim nalason sa usok ng Bulkang Taal

Nasira ang ilang mga pananim sa mga probinsya ng Batangas, Cavite at Laguna na malapit sa Bulkang Taal dahil sa nakalalasong sulfuric dioxide sanhi ng volcanic smog o vog.

Nanuyo ang mga pananim na palay sa Laurel, Batangas may 11 kilometro sa Kanluran ng Bulkang Taal.

Habang nasira at nanuyo rin ang mga palay sa karatig bayan ng Nasugbu, Batangas na 35 kilometro sa Kanluran ang layo sa Bulkang Taal.

Maging ang bayan ng Lian sa Batangas ay natuyuan din ng mga pananim na palay. Pati ang kamoteng kahoy, gabi, herbs, ornaments, talong at lettuce sa Tagaytay City, Cavite ay nanuyo rin sa pinsalang dala ng vog.

Ayon sa Regional Crop Protection Center ng Department of Agriculture Calabarzon, dahil natural na pangyayari ang pagputok ng bulkan ay walang paraan upang makontrol ang pagkakaroon ng vog.

Nitong Linggo, Agosto 7, ay nagbuga ng 17,141 tonelada ng sulfur dioxide na may taas na 1500 metro ang Bulkang Taal. (Ronilo Dagos)