WebClick Tracer

NEWS

ABS-CBN, TV5 tandem wala pang timbre sa PCC

Wala pang natatanggap na komunikasyon ang Philippine Competition Commission (PCC) mula sa MediaQuest Holdings na may-ari ng TV5 Network ni Manny V. Pangilinan at ABS-CBN Corporation ng mga Lopez tungkol sa kanilang sanib-puwersa.

Gayundin ang kasunduan ng Cignal Cable Corp. ng PLDT ni Pangilinan at ng Sky Cable Corp. ng mga Lopez.

Sabi ng PCC, obligado ang mga kompanyang timbrehan ang ahensiya ng kanilang mga transaksyon kung nagkakahalaga ito ng P50 bilyon para marepaso ng PCC at masigurong hindi nakapipilay sa kompetisyon at walang agrabiyadong consumers sa ilalim ng Bayanihan 2 na mapapaso sa Setyembre 15.

Sabi ni PCC Officer-In-Charge Johannes Bernabe, maaari naman nitong utusan ang Mergers and Acquisitions Office nila para suriin muna ang epekto ng transaksiyon ng ABS-CBN at TV5 gayundin ng Cignal at Sky Cable kung kakailanganin itong busisiin.

Ayon kay Bernabe, sinusuportahan ng PCC ang mga negosyong nagpapalaki lalo na’t marami ang umaahon pa sa pandemya ngunit nais din nitong siguruhin na nandiyan pa rin ang kompetisyon na nagpapaganda ng serbisyo sa mga konsyumer.

Papasok ang ABS-CBN sa TV5 sa pamamagitan ng pag-invest dito ng P4 bilyon sa kabuuan at papasok naman ang Cignal Cable sa Sky Cable at mag-i-invest ng P2.86 bilyon at magpapautang ng P4.388 bilyon. (Eileen Mencias)