WebClick Tracer

Sunday, September 25, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

BOC pinalusot 974 pasaway na importer – COA

Imbes na i-ban ang 974 na importer dahil sa paglabag nila ng mga batas at regulasyon, hinayaan pa ng Bureau of Customs (BOC) na magpatuloy ang mga ito sa kanilang mga transaksiyon, ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA).

Base sa COA 2021 Annual Report sa BOC, 330 sa mga naturang importer ang paulit-ulit sa paglabag sa patakarang dapat detalyado ang paglalarawan sa kanilang inaangkat. Sa nasabing bilang, 320 ang aktibo pa ang accreditation, tatlo ang expired na habang pito ang hindi mahanapan ng accreditation.

Ayon sa COA, nasa 5,054 na bagay o ang dami ng kanilang entries at nagbayad lamang sila ng buwis at taripa na P1.36 bilyon.

Sabi ng COA, 644 naman sa mga importer na may record na ng paglabag, seizure o abandonment ng kargamento at smuggling ang hindi pa sinususpinde o tinatanggalan ng accreditation.

Dagdag pa ng COA, 160 sa mga ito ay walang accreditation at 42 ang paso na ang accreditation habang 442 ang aktibo pa ang accreditation na siningil lamang ng buwis at taripa na P27.59 bilyon.

Ayon sa COA, manual ang monitoring ng mga importer at kulang-kulang pa sa detalye ang file ng BOC tungkol sa mga ito. Hindi man lang umano nilalagay ang detalye ng nilabag, ang aksyon na ginawa at ang basehan sa pagpayag sa kanila na mag-import uli.

Bigo rin umano ang BOC sa pagpaparusa sa mga pasaway na importer dahil kulang at hindi mahigpit ang monitoring ng ahensiya kaya’t paulit-ulit lang sa paglabag ang mga importer.

Pinuna rin ng COA ang pagpayag ng BOC sa hinayaan nitong mapuslit ang 553 na regulated commodities na nagkakahalaga ng P1.44 bilyon kahit walang mga import permit.

Nakita rin ng COA na umaabot na sa P6.049 bilyon ang mga due and demandable bonds na maaari nang i-forfeit ng BOC hanggang noong Disyembre 31, 2021 na hindi ginagawa ng ahensiya at ikinalulugi nito.

“The inability of the BOC to collect the amount of due and demandable bonds and institute necessary action caused undue disadvantage to the government in the form of additional revenues from importation,” sabi ng COA. (Eileen Mencias)