WebClick Tracer

NEWS

CHED-UniFAST naglabas ng pondo walang resibo – Hontiveros

Pinasisiyasat ni Senador Risa Hontiveros sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang implementasyon ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).

Ito’y matapos masilip ng Commission on Audit (COA) ang halos P7 bilyong halaga ng “questionable releases” sa ilalim ng scholarship agency ng Commission on Higher Education (CHED).

“Dapat todo-bantay tayo sa budget natin dito lalo na sa panahon na maraming nahihirapan magbayad ng tuition. This could be just the tip of the iceberg of dubious practices in CHED-UniFAST,” dagdag pa niya.

Ang UniFAST ay isang attached agency sa ilalim ng CHED na naglalayong ipatupad ang Republic Act No. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Sa Senate Resolution No. 128 na inihain ni Hontiveros, binanggit doon ang ulat ng COA na ang UniFAST ay mayroong P3.4 bilyong halaga ng naantala at hindi pagsusumite ng mga billing at dokumento sa state and universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs). Ang ilang sa mga ito naantala ng hanggang tatlong taon habang ang iba ay walang record of billing.

Ayon sa resolusyon, nagbayad ang UniFAST ng P824 milyon sa mga SUC at LUC nang walang opisyal na resibo.

“Nakakaalarma na naglabas sila ng ganyang kalaking pera na walang tamang dokumento. Walang kahit anong ebidensya na kailangan ng agency magbayad, at walang ebidensya na binayaran nila. Nakakapagtaka. Surely recklessness at this level of billions of pesos is not acceptable for a government agency,” sabi ni Hontiveros.

Binigyang-diin ni Hontiveros na sapat ang ulat ng COA “upang pagpaliwanagin ang ahensya sa mga pagkukulang nito.” (Dindo Matining)