WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Lider ng sindikato bumulagta sa drug bust

Patay ang lider ng isang drug group nang manlaban sa aarestong kapulisan sa buy bust operation kahapon sa bayan ng R.T. Lim, Zamboanga Sibugay.

Kinilala ang suspek na si Roderick CaƱete Alvarez alyas Nonoy, lider ng Alvarez Drug Group at number 6 top list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Zamboanga.

Sa ulat ni Police Major Shellami Chang, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 9, alas-9:51 ng umaga nang magsagawa ng buy bust operation ang Zamboanga Sibugay Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) laban sa suspek sa P/Dungon, Barangay Magsaysay.

Nakakuha ng shabu ang police poseur buyer sa suspek dahilan upang arestuhin ito subalit inatake ng suspek ng bolo ang mga pulis dahilan upang barilin siya ng mga ito.

Sinubukan namang dalhin ang suspek sa RT Lim family hospital subalit idineklara itong dead on arrival.

Nakuha sa napatay na suspek ang nasa 10 gramo ng shabu na nagkakahalagang P68,000.

Sa record ng pulisya, labas-masok na ang suspek sa kulungan sa kaso ng pagtutulak. (Edwin Balasa)