WebClick Tracer

NEWS

P20 hirit sa aircon, ordinary P15: Taas-pasahe sa bus nakaamba

Nais ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aprubahan ang petisyon para sa taas-pasahe ng mga bus ngunit kailangan pa umanong isaalang-alang ang gabay mula sa National Economic and Development Authority (NEDA) upang matiyak na magiging balanse para sa kapakanan ng mga drayber, operator at maging ng mga pasahero.

“The last bus fare increase was in 2018 and the diesel then was just P44, so we recognize there is a need for an increase but how much, of course, we will have to see what the NEDA will say,” pahayag ni LTFRB Chairperson Cheloy Garafil kasunod ng ikalawang pagdinig ng ahensiya sa hirit na taas-pasahe ng mga bus.

Nabatid na unang nagsagawa ng pagdinig ang LTFRB noong Hulyo 28, 2022.

Tinalakay ng LTFRB ang joint petition ng Southern Luzon Bus Operators Association, Nagkaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panglalawigang Bus sa Pilipinas at Samahang Transport Operators ng Pilipinas Inc. kung saan ay hinihiling ng mga ito ang P20 minimum fare para sa unang limang kilometro sa mga airconditioned bus mula sa P13 at dagdag na P3.40 kada kilometro hanggang lampas ng limang kilometro.

Sa petisyon ay hinihiling din na taasan ang minimum fare sa mga ordinary bus mula sa P11 hanggang P15 at dagdag na P2.70 kada kilometro.

Para naman sa mga provincial bus, nais ng mga operator ang P15 minimum fare para sa mga ordinary bus at dagdag na P2 kada kilometro. Habang sa mga aircon bus ay hinhiniling naman ang dagdag na P2.50 kada kilometro para sa regular aircon bus, P2.60 kada kilometro sa deluxe, P2.70 bawat kilometro sa super deluxe at P3.60 sa luxury.

Ayon kay Garafil, sa ginanap na pagdinig, sumang-ayon ang pangulo at abogado ng Commuters Safety and Protection na si Atty. Ariel Inton sa pagtataas ng P2 pasahe para sa unang limang kilometro subalit ang dagdag para sa mga susunod na kilometro ay grabe na umano dahil malaki ang magiging epekto nito sa mga pasahero.

“That’s why, we want to see the effect of this based on the NEDA study on the effect of incremental fare increases per succeeding kilometers,” giit ni Garafil.

Sinabi ng LTFRB chief na ang ikalawang pagdinig ang pinakahuli nang isasagawa ng ahensiya para sa hinihiling na taas-pasahe ng mga bus. Hihintayin na lamang nila ang posisyon ng NEDA bago pag-isipan ang petisyon na isusumite para sa resolusyon.

“We need the position of the NEDA because the LTFRB doesn’t want to add on the inflation as any increase, although minimal, still has an effect that’s why we need the guidance of the NEDA on this,” paliwanag ni Garafil.(Dolly Cabreza/Betchai Julian)